Magpinsan

“Malulunasan mo pa kayo ako, Nestor?” ang tanong sa kanya minsan ng may sakit.

“Oo, gagaling ka, pagagalingin kita, aalagaan kita,” ang masuyong sagot ni Nestor.

XII.
Isang matamlay na ngiti ang itinugon ng dalaga. May apat na buwan na si Ligaya sa kanyang cottage sa mataas na siyudad ng Baguio. Ang sariwa at malinis na simoy ng hangin, ang mabibiyaya at katangi-tanging singaw ng nagmumula sa pusod ng mga bundok at ang mabuting paraan ng panggagamot ni Nestor ay siyang nagkatulong-tulong upang lubusang bumuti ang karamdaman ng paralumang maysakit. May dalawang buwan pa lamang si Ligaya sa itaas ng Baguio ay tumigil na ang paglura ng dugo, sumunod ang pagkapawi ng ubo sa gabi at sa umaga. Nanumbalik din ang dating mapulang kulay sa kanyang mukha at nanauli ang bulas ng kanyang katawan.

XIII.
Isang malamig na gabing ang buwan ay parang nakabitin sa langit na mangasul-ngasul, si Nestor at si Ligaya ay mapayapang nangakaluklok sa dalawang silyon sa lilim ng mayayabong na puno ng isang pino.

“Salamat sa iyo, Nestor,” anang binibiro, “utang ko sa iyo ang akin gbuhay. Ano kaya ang maibabayad ko sa iyong kagandahang loob?”

“Ligaya,” anang binata naman. “Pinagaling ko ang iyong sakit sa tulong ng Maykapal. Datapuwa’t ang karamdaman ko ay hindi mo pa nalulunasan hanggang ngayon.”

“Anong karamdaman mo?”

“Ang karamdaman ng aking puso.”

“Aba, si Nestor, hindi mo pa ba nalilimot ang bagay na iyan?”

“Kailan man ay hindi! Ang aking pag-ibig ay malala kaysa dati, Ligaya, lalong malubha.”

“Ano ang sasabihin sa atin ng tao? Magpinsan tayo’y…”

“Sa pagsinta ay walang magpinsan, ” ang putol ni Nestor. “Lalong mabuti sapagka’t iisa ang dugong nananalaytay sa ating mga ugat, iisa ang ating damdamin, iisa ang ating puso. At bakit natin pakikinggan ang sasabihin ng tao? Ang dila ng tao’y talagang makasalanan at hindi marunong humatol. Alalahanin mo ang ating kabataan, ang pagmamahalan natin noong tayo’y mga batang musmos. Hindi ka ba nanghihinayang sa lahat ng yaon kung ikaw o ako, ngayong kita’y may gulang nang ganap, ay mapasaibang kamay at mapasaibang dibdib?”

“Ngunit”

“Huwag ka ng magdahilan, Ligaya. Sabihin mo na sa aking ako’y minamahal mo. Ang laman ng iyong puso ay nakasulat sa iyong mga mata, kaya huwag mo na sanang susian ang iyong bibig.

XIV.
Hindi na nakuhang magmatuwid ni Ligaya. Ang katotohanan ay matagal na rin siyang umiibig nang lihim kay Nestor at malaon na ring nanariwa sa kanyang puso ang matamis na ala-ala ng kanilang kabataang yumao.

Bago sila naghiwalay ng gabing yaon ay pinabaunan muna niya si Nestor ng isang matamis na halik at inabutan ng isang bulaklak ng everlasting.

“Hayan ang aking pag-ibig.”

“Pag-aralan mo sanang mahalin.”

Nabalitaan na lamang ng lahat sa kahanga-hangang siyudad na rin ng malamig na Baguio idinaos ang luna de miel ni Ligaya at ni Nestor.

Mga Pahina: 1 2