“Mabuti!”
Nang mapintahan ang loob at labas ng buong mansiyon ay sumunod ang pagla-landscape. Kay ganda ng ginawang halamanan sa paligid ng tahanan. At sa wakas, tapos na ang pinagpaguran naming lahat.
KAHARAP kaming lahat noon ng kinatawan ng may-ari ng ipinagawang bahay. Sabi niya’y gusto niya kaming makausap na lahat.
“Mamayang gabi, mga kasama, ay darating ang may-ari ng tahanang ginawa ninyo,” sabi ng kinatawan, “at isang salu-salo ang inihanda niya para sa inyo. Makikilala na ninyo siya.
“Sino po siya?” tanong ng kapatas.
“Mamaya, pagdating niya ay malalaman ninyo,” ngiti ng kinatawan.
Ikapito na ng gabi nang pumarada sa tapat ng mansiyon ang isang bagung-bagong Mercedes Benz. Laking pagkabigla ko nang bumaba sa sasakyan si Melinda, kasabay ng isang may-edad nang British.
Sa isip ko, marahil ay ang lalaking Puting kasama niya ang bagong nagmamay-ari ng kanyang puso. Sumulyap siya sa akin at ngumiti, nguni’t hindi siya lumapit. Ginanti ko siya ng isang tipid nguni’t may pait na ngiti.
“Mga kaibigan, narito ang may-ari ng tahanang ito,” pagpapakilala ng kanyang kinatawan, “si Bb. Melinda Bituin.”
Nagpalakpakan ang lahat, liban sa akin. Hindi ako makapalakpak dahil sa hapding nararamdaman ko sa puso ko.
“Magandang gabi po sa inyong lahat,” pasakalye ni Melinda. “Maraming salamat sa pagpapagod ninyo para sa tahanang ito. May ilang bagay akong nais ibunyag sa inyo.
Tumahimik ang bawa’t isa.
“Ang tahanang ito’y hindi ko lamang pag-aari. Kasama kong nagmamay-ari nito si Peter Katindig, ang aking kasintahan. Siya ang Arkitektong gumuhit ng plano at Enhenyerong namahala sa paggawa nito. Siya’y kasama ninyo sa pagbuo nito. Nagpanggap siyang nasa pangkat ng labor upang tingnan nang malapitan ang pagpapagawang ito. Alam kong malaking pagod ang dinanas niya. Ginawa niya ang lahat ng iyon upang hindi siya pangilagan at kasilungan ng mga manggagawa habang siya’y nagmamasid.”
Nagtaka ang bawa’t isa.
“Sino kaya siya?” umugong ang bulungan ng mga nakikinig.
Ibinunyag ni Melindang nalaman niya ang lahat sa kanyang kinatawan. Ipinagtapat niyang sinadya niyang huwag makipagkomunikasyon sa akin ng ilang buwan upang sorpresahin ako sa gabing ito.
Lumapit siya sa akin, hinawakan niya ako sa sa kamay, saka isinama ako sa gitna. Takang-taka ako, nguni’t sumama ako sa kanya.
Napasulyap ako sa kapatas na nambulyaw at nagmalabis sa akin sa buong panahon ng paggawang iyon ng mansiyon. Hiyang-hiya siya at hindi makatingin nang tuwid sa akin.
Nagpatuloy si Melinda ng pagsasalita.
“Malaking halaga ang ipinagkaloob sa akin ng pamilya ng British kong pinaglingkuran bilang Private Nurse sa London kaya nakapagpagawa ako ng ganitong kaluhong tahanan. Kasama ko ngayong gabi ang isang myembro ng kanilang pamilya. Siya ang isa sa magiging ninong namin ni Peter sa aming kasal. Di magtatagal, ikakasal na kami at lahat kayo’y inaanyayahan namin.”
Ang kasamang Puti ni Melinda ay nagsalita rin. Nagmagandang gabi siya, at matapos na magpasalamat sa ginawang paglilingkod ng kasintahan ko sa kanilang pamilya bilang nars, ay sinabi niyang magpapatayo siya ng ilang malalaking gusali rito sa Pilipinas upang simulan ang malaking negosyong Hardware. Lahat daw na gumawa sa tahanang katatapos namin ay kukunin niyang mga trabahador. Si Peter Katindig daw ang gagawin niyang General Manager ng mga Hardware na malapit nang simulan. Tuwang-tuwa ang lahat at pinagsaluhan ang isang masaganang hapunan.
Nang magkasarilinan kami ni Melinda, hinawakan ko ang kanyang mga kamay.
“Totoo ba ang lahat ng ito, Sweetheart?” bulong ko.
“Totoong-Totoo!”
“Akala ko talaga, nalimot mo na ako at nakakita ka na ng iba.”
“Hindi mangyayari ‘yon. Habang buhay, ikaw lang ang mahal ko.”
“Tunay na tunay?”
“Oo, naman. At maitutuloy na natin ang sinimulan nating bahay-bahayan nang mga bata pa tayo.”
“Saan natin itutuloy?”
“Sa mansiyon nating ito.”
Bigla kong kinabig si Melinda at hinagkan. Hindi namin namamalayang nakapaligid pala sa amin ang lahat. Nagpalakpakan sila.—