Sa pakiusap ni Leo ay pumayag na rin si Helen na mag-anak sa ikawalong taon ng kanilang pagiging mag-asawa. Subali’t ang kasunduang yao’y biniro ng tadhana. Sinabi ng doktor ng pamilya na si Helen ay hindi na maaaring magkaanak. May kapansanan siya sa matris at hindi maaaring magdalantao.
Ang mga pangyayaring ito’y lubhang ikinalungkot ni Leo. Pumanaw ang pag-asa niyang magkaroon ng mga anak. Nalungkot din si Helen. Mula noo’y mag-usap-dili ang mag-asawa, bagama’t hindi naman sila nag-aaway.
“SIR, mahal mo rin ako, hindi ba?” nakatingin ni Bheng sa guro.
Nakatungo si Leo, animo’y aliping natutop sa pang-uumit ng mahalagang bagay na pag-aari ng kanyang panginoon, animo’y bilanggong nadakip ng kanyang tanod sa tangkang pagtakas.
“Huwag mong linlangin ang iyong sarili, Sir,” pagpapatuloy ng dalaga, “sabihin mo ang katotohanan.”
“Magtigil ka,” pagmamatigas pa rin ni Leo. “Di mo ba alam na kung papatulan kita’y masisira ang buhay mo?”
“Ano’ng halaga ng buhay kung wala ka?”
“Dala ka lamang ng simbuyo ng damdamin, Bheng.”
“Aminin mong mahal mo ako,” yumakap ang dalaga sa guro.
Ang yakap na yao’y ginanti ni Leo ng kapuwa yakap, at sa kanyang mga mata’y gumilid ang luha. “Oo, mahal din kita,” tuluyan nang naglandas ang luha sa pisngi ng guro.
Napaiyak din si Bheng, “Sir, mahal na mahal kita!”
“Magtungo tayo sa upuan sa tabi ng punong-akasya,” kumalas sa pagkakayakap si Leo. “Kubli ang lugar na iyon, at walang makapapansin sa atin.”
Kumalas din sa pagkakayakap ang dalagang mag-aaral, “Sige, tayo na.”
At sa upuang yaon, sa may punong-akasya, sa pagkukubli ng araw sa kanluran, sa pagtugtog ng orasyon, ay ganap na sumanib ang Mayo sa Disyembre. Ang nagbabalang dagim ng ulan sa tigang na bukirin ng Mayo ay tuluyang ibinuhos ng balumbon ng mga ulap. Pinaram ng Mayo ang lamig at hinahong taglay ng Disyembre. At pinagsaluhan nila ang di karaniwang timyas ng bagong luwal na pagsuyo.
Bago sila maghiwalay ay muling naghinang ang kanilang mga labi. Nasa gayon silang akto nang biglang humantad ang asawa ni Leo, si Helen.
“Aha, ang magaling kong asawa,” malakas ang tinig ng maybahay ni Leo, “at kaya pala ginagabi sa pag-uwi ng bahay ay may batang-batang kerida!”
“Helen!” mangha ni Leo.
“Sayang, guro ka pa naman na dapat maging huwaran ng iyong mga mag-aaral,” galit na galit ang ginang. “At ikaw, batang babae, na eskuwela yata niya, di mo ba alam na mawawasak ang kinabukasan mo sa lalaking iyan!”
Walang kibong napatungo si Bheng.
Matalim na tingin ang itinudla ni Helen kay Leo, “Sa bahay, Leonardo, pagkikita natin … magtutuos tayo!”
Magsasalita pa sana si Leo, nguni’t biglang tumalilis si Helen. Sumakay ng kotse at pinaharurot iyon.
Sa pangingipuspos, napaupong nanlulumo si Leo, samantalang si Bheng ay umiyak nang umiyak sa dibdib ng itinatanging guro.
Sa kanilang mga puso’y gustung-gustong papaghugpungin nina Leo at Bheng ang malaking puwang ng kanilang panahon. Bakit hindi sila naging magkapanahon?—bakit kailangang si Bheng ay maging Mayo at si Leo ay maging Disyembre? Bakit?
Hindi batid ng Mayo at Disyembre kung sa takipsilim ng kanilang lunting suyuan ay may umaga pang naghihintay! —