Mundo Ng Agnas

Author’s Note: This is not an erotic story but still tackles mature themes. This short story is about the memories of people who tried to survive the world ruled by the dead.

The First Word
By: Balderic

Ako ay isang simpleng tao. Mayroon akong simpleng trabaho at nangarap na makakilala ng isang simpleng babae. Sinewerte naman ako sa panalangin ko at mayroon akong nakilalang babae na syang pinakasalan ko. Bumuo kami ng isang simpleng pamilya. Masaya na ako sa buhay ko, wala na akong hahanapin pang iba.

Subalit ang mundo ay hinde simple. Minsan babagsakan ka ng pagsubok. Isang pagsubok na dapat mong harapin gustohin mo man o hinde. Nagsimula ang lahat sa isang balitang narinig ko sa radyo noong ako’y nasa byahe papunta sa pinapasukan ko. Isang tao ang nilapa ng pinaghihinalaang isang mabangis na hayop. Warat raw ang lamang loob nito at hinde ito nasikmura ng ilang saksi. Isang buwan pa lamang ang anak ko noon. Hinde ko pinansin ang balita at tinuon ko ang sarili ko sa trabaho. Hinde naman ito makaka apekto sa akin, bulong ko sa sarili. Marapat lamang na mas pagbutihin ko pa ang aking trabaho dahil sa isa na akong ganap na ama. Wala na akong oras para sa kung ano anong bagay.

Nakalipas ang mga araw, linggo at buwan. Patuloy sa pagdami ang balita nang mga biktima ng pag atake. Naging maugong ang balitang isang aswang raw ang umaatake ng mga tao at kinakain nya ito. Pero sino ba namang matinong tao ang maniniwala sa ganitong balita. Kalokohan!

Isang araw napag pasyahan naming mag pamilya ang pumunta sa grocery. Isang simpleng handaan sana ang plano namin dahil sa nalalapit ko nang promotion. Isang handaan na pagsasalohan naming tatlo. Akay ko ang anak ko habang abala sa pamimili ang misis ko.

“Gusto mo ba ng fruit salad mahal?” Tanong sa akin ng misis ko. Ngumiti ako at tumango. Bahala na sya sa lutuin basta ako, maglalaro kami ng anak ko pag uwi namin sa bahay. Hinde ko na namalayan na tatlong buwan na aang sanggol namin ni misis. Yung dating maliit na katawan nito ay lumubo na. Aakalain mong siopao ang ulo ng anak ko sa taba. Napapa ngiti nalang ako at parang gusto kong kurutin ang pisngi nya. Lalake ang anak namin at pinangalan ko sya katulad ng sa akin. Junior ko ito at panganay kaya sya dapat ang magmamana ng pangalan ko.

Nagsimula ang lahat sa isang pagsabog sa di kalayuan. Napakalakas nito at dama namin ang yanig ng lupa. Nagulat ang anak ko sa sigawan ng mga tao. Ang ilan ay nagsitakbuhan na. Hinde kami lumabas ng grocery store. Malaki ang gusali at dalawang floors ito. Kailangan maging maingat kami lalo pa at dala namin ang nag iisa naming anak.

“Hawakan mo si baby, mahal. Titignan ko muna kung ano ang nangyayari sa labas bago tayo kumilos.” Wika ko sa misis ko. Kalmado lang ang boses ko para hinde kabahan ang asawa ko. Pero ang puso ko para nang lumulundag sa lakas ng tibok.

“Mahal mag iingat ka. Wag ka magtatagal at bumalik ka kaagad rito.”

Nakipagsiksikan ako palabas ng grocery store. Marami nang gustong umalis sa gusali. Ang mga gwardya ay ginagawa ang lahat para mapigilan ang stampede at pag panic ng mga tao. Pero nakikita ko sa mukha ng karamihan ang pangamba at takot. Paano na kung lindol ito o di kaya ay isang pag atake ng mga terorista?

Hinde naglaon ay nakalampas ako sa kumpulan ng mga tao sa mga malalaking pinto ng grocery store. Nasa harapan ko ang parking lot at bumungad sa akin ang takbuhan ng mga tao mula sa kaliwang bahagi ng pinagtatayuan ko. Sinundan ng mga mata ko ang pinanggalingan nila. Hinde ko alam kung ano ang tinatakbuhan nila. Maraming sumisigaw ng kung ano ano pero wala akong malinaw na sagot sa pangyayari. Nakita ko ang isang pulis na pa ika ikang tumatakbo rin. Nagtaka ako kung bakit ito parang tumatakas sa tungkulin nya. Sabagay mataba sya at hirap kumilos. Anong klaseng kapulisan ba meron sa bansang ito? Nilapitan ko sya kaagad at tinanong kung anong nangyari.

“Sir! Sir! Bakit ho kayo tumatakbo? Ano pong nangyari?”

“Umalis na kayo rito! May mga grupo na umaatake sa mga sibilyan! Kailangan ko ng backup para ma kontrol ang sitwasyon. Sa ngayon wala na akong magagawa. Wag kayong magpapalapit sa mga taong umaatake!” Sagot ng pulis na halatang hinde rin alam ang nangyayari. Nakita kong duguan ang leeg nya. Nabaril ba sya? Kung ganun bakit nakakalakad pa sya? Di kaya sa ibang tao ang dugo sa leeg nya?

“Teka sir sino po ba ang mga umaatake? Mga terorista ba? Paano namin malalaman na…”

“Basta umalis na kayo rito!” tuluyan na akong iniwan ng pulis. Dito ko rin napansin na punit ang uniporme nya sa bandang kaliwang hita. May sugat sya rito kaya pala pa ika ika sya.

Dahil wala akong nakuhang sagot ay naghintay pa ako at nag obserba. Kaunti na lang ang mga nagsisitakbuhan pero maingay parin sa paligid at maraming sasakyan naman na nasa highway ang natraffic na.

Siguro halos isang daang metro mula sa kinatatayuan ko ay natanaw ko ang tatlong lalakeng naglalakad patungo sa direksyon ko. Noong una ay nagtataka ako bakit naglalakad sila. Mabagal at pasuray suray na animo’y lasing ang mga ito. Punit punit ang mga damit at duguan. Ilang minuto pa akong naghintay nang magimbal ako sa itsura ng isa sa kanila. Warat ang mukha nito at nawawala ang panga nya! Imposible ito! Paano pa nakakalakad ang taong ito kung ganito ang pinsala nya sa mukha!?

Tatlo sila sa simula at dahan dahan ay lumabas rin ang iilan. Pa isa isa silang nagsisilabasan hanggang matantyan kong lampas bente na sila. Biglang may sumigaw sa bandang gilid ng highway na nasa corner ng parking lot. Nakita ko ang isang lalake na nakadapa at sa ibabaw nya ang dalawang taong kinakagat ang braso at batok nya! Nilalapa nila ang lalake! Tumingin ako sa paligid ko at walang tumutulong sa lalake. Maging ako ay parang nasemento ang mga paa. Hinde ako makagalaw. Kinilabutan ako sa pangyayari. Ni hinde ko manlang maipaliwanag ang sitwasyon. Narinig ko ang mahinang ungol ng mga taong naglalakad papalapit sa akin. Nakita kong malapit na pala sa akin ang mga ito. Duguan silang lahat at may mga bakas ng kagat sa katawan. Ang ilan ay may mga malulubhang pinsala na masasabi kong imposibleng makapaglakad pa sila ng ganoon.

Tumakbo ako pabalik sa grocery store! Kailangan maka alis na kami ng mag ina ko. Dito ko napansing nakasara na ang mga pinto ng grocery! Wala nang tao sa labas at ako nalang ang natira! Kumatok ako ng malakas at nakita ako ng gwardya sa loob. Pinagbuksan nya kaagad ako at nang makapasok ako ay agad sinara ng gwardya ang pinto.

Maraming mga mata ang tumingin sa akin. Marami pa palang tao ang nasa loob ng grocery store. Sa gilid ng pinto ang isang lalakeng duguan. May sugat ito sa braso na binebendahan naman ng isa pang gwardya. Iba’t ibang boses ang naririnig ko at napaka ingay sa loob. Hinanap ko kaagad ang mag ina ko. Nasa children’s shelf parin sila at niyakap ko ang misis ko ng mahigpit sabay halik sa noo ng sanggol namin.

Tinanong ako ni misis kung ano ba ang nakita ko. Hinde ko sinabi sa kanya ang nasaksihan kong karumal dumal na pangyayari. Walang ano ano’y tumunog ang speakers ng grocery. Ang manager ito at binalaan ang lahat na wag nang lumabas ng gusali. Maghintay na lamang raw kami ng rescue dahil lubhang mapanganib ang lumabas. Pero mukhang may mga tao parin ayaw makinig at gusto lumabas. Pinigilan sila ng mga gwardya pero talagang mapilit ang mga ito. Nabuksan ang mga pinto at nagsilabasan sila.

Hanggang sa sumigaw ang ilan sa kanila. Nakalapit na ang mga duguang tao at pinagkakagat ang mga nagsilabasang sibilyan. Nanlaban ang ilan pero tila dahan dahang dumarami ang mga taong umaatake. Pinagpapalo na nila at pinagsusuntok sa sipa ang mga taong ito pero wala paring epekto ito. Parang hinde tinatablan ng sakit ang mga ito at wala silang emosyon man lamang. Natakot ang ilan at bumalik sa loob. Subalit mas ikinatakot namin na masaksihang mamatay ang mga taong kinain ng buhay sa labas ng grocery store. Sumisigaw pa ang mga ito sa tindi ng sakit habang dahan dahang napupunit ang mga laman nila sa malalakas na kagat ng mga taong parang mga cannibal.

Naisara man ang mga pinto ng grocery store ay wala na kaming nagawa kundi ang malunod sa mga sigaw ng mga taong kinakain nang buhay sa labas. Tinakpan ko na lang ang mga tenga ng anak ko at niyakap ko nang mahigpit ang misis ko.

——–

By: Balderic

Naghintay kami ng tulong mula sa mga alagad ng batas. Pero ni isa, walang dumating. Lumipas ang isang araw at wala parang senyales ng tulong. Kanya kanyang pagtakas naman ang ginawa ng ilang tao na nasa loob. Dahil may signal ang cellphone ay kabi-kabila ang tumawag ng saklolo sa mga kakilala, mga kaibigan, kaanak at mga emergency hotlines na lagi namang busy. Namumuo na ang takot sa amin kaya nagpasya ang manager ng grocery store na ibsan ang takot namin. Nagpatugtog sila ng musika sa speakers at binuksan ang mga tv sa appliances area saka tinuon sa news programs.

Tulad ng inaasahan, hinde lang naka isolate sa lugar namin ang mga nangyayari. Tila buong bansa ang apektado. Maraming naging biktima sa kakaibang insidente. Binalaan ang karamihan na huwag nang lumabas lalo na sa gabi, iwasang makagat o masugatan man lang mula sa mga tinatawag nilang infected at wag na wag raw didikit sa mga nakagat dahil pinaniniwalaang nakakahawa raw ito kaagad.

Kinabahan ang mga nakagat naming mga kasamahan sa loob. Kinausap sila ng manager kasama ang mga gwardya at napagpasyahang ilayo muna sila sa karamihan. Sinamahan naman sila ng isang gwadya at ng kaanak ng ibang nakagat sa isang silid sa likod ng gusali.

Akala namin okay na kami sa loob. Akala namin ligtas na kami sa kapahamakan. Pero simula palang pala ito ng kalbaryo namin. Nabasag ang mga salamin na pinto sa harap ng grocery store. Pumasok ang mga infected pero nilabanan sila ng dalawang gwardya. Pinagpupokpok sila sa ulo gamit ang mga batuta nila pero walang nangyari sa mga infected, bagkus ay nakagat ang dalawang gwadya. Nabuwal ang isa sa kanila at pinatungan kaagad ito ng dalawa pang infected. Napasigaw ito nang malakas nang lapain sa leeg at braso. Binaril naman ng isa pang gwardya ang lumalapit sa kanya. Tinamaan ang mga infected sa katawan pero parang wala lang ang pinsala ng bala. Patuloy sila sa paglakad palapit sa gwadya. Tinadtad ng bala ang mga infected pero bigo ang gwadya at maging sya ay nilapa na rin ng buhay.

Nagsisisigaw ang karamihan sa takot. Mas lalong dumarami na ang pumapasok sa grocery store. Nanlaban ang ilang mga lalake. Sumama narin ako sa kanila. Hinde na ako napigilan ni misis dahil hawak nito ang anak namin. Nakuha ko ang isang itak saka ako lumapit sa isang infected at tinaga ko ito sa ulo! Bumagsak itong wala nang buhay.

“Patamaan nyo ang ulo!” sigaw ko sa mga nakikipaglaban sa mga infected. Sinunod nila ang payo ko at napigilan namin ang pag umpok nila sa loob. Tinakpan namin ang mga pinto gamit ang dalawang shelves at dalawang freezer ng ice cream. Dinig namin ang kalampag ng mga infected sa labas ng pinto.

Bigla kaming nakarinig ng malakas na sigaw. Nagmumula ito sa silid na pinagpasukan namin ng mga nakagat. Dali dali kaming pumunta at binuksan ang pinto. Nadatnan naming nilalapa na ng mga nakagat ang mga tao roon. Ang isang lalakeng nakagat ay kinakain na ang bituka ng kanyang ina. Nakakakilabot na eksena. Hinde na ito kinaya ng ilan sa amin at nasuka sila. Lumapit sa amin ang mga infected at nakikita kong tirik ang mga mata nila. Ang iba naman ay animo’y tulala lang.

Palo at taga ang inabot nila sa amin. Isang madugong labanan. Dito namin nalaman na kapag nakagat ka ng mga ito ay pwede kanang mahawa at kapag namatay ka ay mabubuhay kang muli pero wala na ang katauhan mo. Isa ka na lamang naglalakad na bangkay at hayok sa laman ng mga buhay. Bigla ko ditong na isip ang kalagayan ng Pinas. Siguro ito na ang parusa sa amin ng Panginoon. Noon, tao laban sa tao at magkakadugo pa ang nagpapatayan. Nagnanakawan at nang aabuso. Naisip ko na ang mga infected na ito ay sumasalamin sa tunay na ugali ng mga tao. Ang ugaling lalamunin mo ang kapwa mo at wala kanag pakealam sa iba.

Matapos naming madespasa ang mga nakagat ay sinigurado naming tignan ang mga katawan namin kung meron mang nakagat. Sa kabutihang palad ay wala pero dalawa sa amin ang nakalmot at nasugatan. Pinayuhan na lamang naming hugasan nila ng maigi ang mga sugat nila.

Dalawang araw pa ang nakalipas pero wala parin kaming tulong na natatanggap. Nanonood nalang kami sa mga balita pero sa ikatlong araw ay wala nang broadcast sa tv. Binuksan namin ang radyo pero panay announcement na lang ang naririnig namin. Mga recorded announcement ng gobyerno na para sa amin ay wala nang halaga. Gusto ko nang umuwi sa amin. Nag aalala na rin kaming mag asawa sa anak namin at maging sa mga kaanak at kaibigan namin. Ligtas ba sila? Ano bang nangyayari sa lugar namin? Sana naman dumating rin ang tulong na hinahangad namin.

Kapansin-pansing nilagnat ang dalawang kasama naming nakalmot. Magang maga ang mga sugat nila st mukhang walang indikasyong naghihilum. Nangingitim rin ang mga mata nila na parang lumalala lang bawat oras. Hanggang sa isang gabi ay nagising nalang kami sa isang sigaw. Ang dalawang kasama namin ay infected na. Nilapa nila ang isang kinse anyos na binata na katabi lang nila natutulog. Napunit ang leeg ng kawawang binata at sumisirit pa ang dugo neto. Dilat ang mga mata nya at wala nang buhay. Tumingala pa sa amin ang dalawang infected at parang mabangis na mga hayop na bumungisngis. Puno ng dugo at laman ng tao ang mga bibig nila. Tumayo ang isa pero hinde ito pinatagal ng mga kasamahan ko. Pinagtulungan n…