Mundo Ng Agnas

Ako ay isang simpleng tao. Mayroon akong simpleng trabaho at nangarap na makakilala ng isang simpleng babae. Sinewerte naman ako sa panalangin ko at mayroon akong nakilalang babae na syang pinakasalan ko. Bumuo kami ng isang simpleng pamilya. Masaya na ako sa buhay ko, wala na akong hahanapin pang iba.

Subalit ang mundo ay hinde simple. Minsan babagsakan ka ng pagsubok. Isang pagsubok na dapat mong harapin gustohin mo man o hinde. Nagsimula ang lahat sa isang balitang narinig ko sa radyo noong ako’y nasa byahe papunta sa pinapasukan ko. Isang tao ang nilapa ng pinaghihinalaang isang mabangis na hayop. Warat raw ang lamang loob nito at hinde ito nasikmura ng ilang saksi. Isang buwan pa lamang ang anak ko noon. Hinde ko pinansin ang balita at tinuon ko ang sarili ko sa trabaho. Hinde naman ito makaka apekto sa akin, bulong ko sa sarili. Marapat lamang na mas pagbutihin ko pa ang aking trabaho dahil sa isa na akong ganap na ama. Wala na akong oras para sa kung ano anong bagay.

Nakalipas ang mga araw, linggo at buwan. Patuloy sa pagdami ang balita nang mga biktima ng pag atake. Naging maugong ang balitang isang aswang raw ang umaatake ng mga tao at kinakain nya ito. Pero sino ba namang matinong tao ang maniniwala sa ganitong balita. Kalokohan!

Isang araw napag pasyahan naming mag pamilya ang pumunta sa grocery. Isang simpleng handaan sana ang plano namin dahil sa nalalapit ko nang promotion. Isang handaan na pagsasalohan naming tatlo. Akay ko ang anak ko habang abala sa pamimili ang misis ko.

“Gusto mo ba ng fruit salad mahal?” Tanong sa akin ng misis ko. Ngumiti ako at tumango. Bahala na sya sa lutuin basta ako, maglalaro kami ng anak ko pag uwi namin sa bahay. Hinde ko na namalayan na tatlong buwan na aang sanggol namin ni misis. Yung dating maliit na katawan nito ay lumubo na. Aakalain mong siopao ang ulo ng anak ko sa taba. Napapa ngiti nalang ako at parang gusto kong kurutin ang pisngi nya. Lalake ang anak namin at pinangalan ko sya katulad ng sa akin. Junior ko ito at panganay kaya sya dapat ang magmamana ng pangalan ko.

Nagsimula ang lahat sa isang pagsabog sa di kalayuan. Napakalakas nito at dama namin ang yanig ng lupa. Nagulat ang anak ko sa sigawan ng mga tao. Ang ilan ay nagsitakbuhan na. Hinde kami lumabas ng grocery store. Malaki ang gusali at dalawang floors ito. Kailangan maging maingat kami lalo pa at dala namin ang nag iisa naming anak.

“Hawakan mo si baby, mahal. Titignan ko muna kung ano ang nangyayari sa labas bago tayo kumilos.” Wika ko sa misis ko. Kalmado lang ang boses ko para hinde kabahan ang asawa ko. Pero ang puso ko para nang lumulundag sa lakas ng tibok.

“Mahal mag iingat ka. Wag ka magtatagal at bumalik ka kaagad rito.”

Nakipagsiksikan ako palabas ng grocery store. Marami nang gustong umalis sa gusali. Ang mga gwardya ay ginagawa ang lahat para mapigilan ang stampede at pag panic ng mga tao. Pero nakikita ko sa mukha ng karamihan ang pangamba at takot. Paano na kung lindol ito o di kaya ay isang pag atake ng mga terorista?

Hinde naglaon ay nakalampas ako sa kumpulan ng mga tao sa mga malalaking pinto ng grocery store. Nasa harapan ko ang parking lot at bumungad sa akin ang takbuhan ng mga tao mula sa kaliwang bahagi ng pinagtatayuan ko. Sinundan ng mga mata ko ang pinanggalingan nila. Hinde ko alam kung ano ang tinatakbuhan nila. Maraming sumisigaw ng kung ano ano pero wala akong malinaw na sagot sa pangyayari. Nakita ko ang isang pulis na pa ika ikang tumatakbo rin. Nagtaka ako kung bakit ito parang tumatakas sa tungkulin nya. Sabagay mataba sya at hirap kumilos. Anong klaseng kapulisan ba meron sa bansang ito? Nilapitan ko sya kaagad at tinanong kung anong nangyari.

“Sir! Sir! Bakit ho kayo tumatakbo? Ano pong nangyari?”

“Umalis na kayo rito! May mga grupo na umaatake sa mga sibilyan! Kailangan ko ng backup para ma kontrol ang sitwasyon. Sa ngayon wala na akong magagawa. Wag kayong magpapalapit sa mga taong umaatake!” Sagot ng pulis na halatang hinde rin alam ang nangyayari. Nakita kong duguan ang leeg nya. Nabaril ba sya? Kung ganun bakit nakakalakad pa sya? Di kaya sa ibang tao ang dugo sa leeg nya?

“Teka sir sino po ba ang mga umaatake? Mga terorista ba? Paano namin malalaman na…”

“Basta umalis na kayo rito!” tuluyan na akong iniwan ng pulis. Dito ko rin napansin na punit ang uniporme nya sa bandang kaliwang hita. May sugat sya rito kaya pala pa ika ika sya.

Dahil wala akong nakuhang sagot ay naghintay pa ako at nag obserba. Kaunti na lang ang mga nagsisitakbuhan pero maingay parin sa paligid at maraming sasakyan naman na nasa highway ang natraffic na.

Siguro halos isang daang metro mula sa kinatatayuan ko ay natanaw ko ang tatlong lalakeng naglalakad patungo sa direksyon ko. Noong una ay nagtataka ako bakit naglalakad sila. Mabagal at pasuray suray na animo’y lasing ang mga ito. Punit punit ang mga damit at duguan. Ilang minuto pa akong naghintay nang magimbal ako sa itsura ng isa sa kanila. Warat ang mukha nito at nawawala ang panga nya! Imposible ito! Paano pa nakakalakad ang taong ito kung ganito ang pinsala nya sa mukha!?

Tatlo sila sa simula at dahan dahan ay lumabas rin ang iilan. Pa isa isa silang nagsisilabasan hanggang matantyan kong lampas bente na sila. Biglang may sumigaw sa bandang gilid ng highway na nasa corner ng parking lot. Nakita ko ang isang lalake na nakadapa at sa ibabaw nya ang dalawang taong kinakagat ang braso at batok nya! Nilalapa nila ang lalake! Tumingin ako sa paligid ko at walang tumutulong sa lalake. Maging ako ay parang nasemento ang mga paa. Hinde ako makagalaw. Kinilabutan ako sa pangyayari. Ni hinde ko manlang maipaliwanag ang sitwasyon. Narinig ko ang mahinang ungol ng mga taong naglalakad papalapit sa akin. Nakita kong malapit na pala sa akin ang mga ito. Duguan silang lahat at may mga bakas ng kagat sa katawan. Ang ilan ay may mga malulubhang pinsala na masasabi kong imposibleng makapaglakad pa sila ng ganoon.

Mga Pahina: 1 2 3 4 5