My Ex’s Ate: Ch10 by: robinhud

Magkatabi kami ni Jam sa isang side ng animang mesa sa loob ng restaurant. Sa gulo ng mga pangyayari sa nagdaang mga araw, hindi ko alam na may igugulo pa pala. Hindi ako interesado sa kung anong katotohanan o kasinungalingan ang sasabihin nya tungkol kay Red, pero interesado akong malaman anong meron sa Bohol.

RH: What do you mean?

Yun lang ang nasabi ko. Mahirap humabi ng salita pag gulo ang isip mo. Mahirap pagtagpi-tagpiin ang lahat ng tumatakbo sa isip ko.

Jam: It was my fault.

Nagsimula na ang pagtulo ng luha mula sa mga mata nya, ngunit pinunasan nya ito agad ng isa nyang kamay. Hinawi nya ang kanyang buhok na naging dahilan para makita ko ang kabuuan ng kanyang mukha. Alam kong hindi naging buo ang tiwala ko kay Jam, sa lahat ng mga nangyari, tao lang naman ako para makaramdam ng pagdududa. Pero iba ngayon, alam kong malalim ang pinaghuhugutan ng kanyang emosyon at kahit hindi pa sya nagsasalita ay alam kong totoo ang mga susunod nyang sasabihin.

Bumaling ang tingin nya sa akin, hinanap ng kanyang paningin ang aking mga mata. Hindi sya nagsalita ngunit bakas sa kanyang mga mata ang mga luhang pinipigilang pumatak, halata ang lungkot, pag-aalala, at agam-agam. Pinutol nya ang pagtitig sa akin, at lumingon sa malayo.

Jam: Kung hindi ako nakipag-inuman nun kay Kevin, kung hindi ako nalasing, hindi sana mangyayari yon.

RH: Ang alin?

Jam: Ate and Kevin would still be together. They broke up because of me.

RH: Ano bang nangyari?

Jam: It was supposed to be my birthday celebration in Bohol. Five days sana kami don, Monday to Friday. Mama, ate and I were scheduled to fly on Monday morning, Tita Alice, was set to fly on Wednesday afternoon because she needed to attend a live-in seminar in Batangas that week.

Kumuha sya ng panyo para ipunas sa basa nyang mga mata, at ang mga pisging dinaluyan ng luhang patuloy na pumapatak.

Jam: Since puro kami babae, naisip ni ate na isama si Kevin. Four months pa lang ata sila non. Di ko alam pano nya napapayag si mama na isama yung boyfriend nya. Nakulitan siguro kaya pumayag na din.

Yumuko sya para tingnan ang panyong nabasa ng mga luha.

Jam: We booked two months ahead of my birthday. Kaso, nabago schedule ko sa school. Napaaga yung outreach activity namin sa Quezon, natapat sa Sunday, the day before our flight, up to Tuesday early afternoon. Paparebook ko sana yung flight ko, I wanted to fly Tuesday, kahit gabi na. But, Tita Alice insisted na sabay na lang kami since delikado bumyahe mula sa airport sa Bohol papunta sa resort.

Umiling si Jam habang nakayuko.

Jam: OK lang naman na Wednesday afternoon ako umalis ng Manila, Thursday pa naman birthday ko. So there, pagbalik ko ng Tuesday galing Quezon, nalaman ko na naiwan si Kevin ng flight nila. Hindi daw nagising ng maaga, di nakaabot sa airport.

Tumingin sya sa akin. Nabasa ko sa mukha nya ang lungkot. May panginginig ang kanyang mga labi, baka natatakot o kinakabahan sa pwedeng epekto ng mga sasabihin nya.

Jam: I thought it will just be me and tita on that flight, but Kevin showed up in the airport. Nalaman pala ni Tita Alice na naiwan sya, she thought ate would be dissappointed, because I tell you, ate was so excited for that trip. So Tita Alice paid for the rebooking of Kevin’s ticket.

RH: Can we just get to the point please, Jam?

Jam: Gabi na kami nakarating sa Bohol. Tulog na si ate kasi napagod daw sa pamamasyal, sabi ni mama na nadatnan naming nanonood ng TV sa sala. Dalawa ang kwarto ng suite namin, ang usapan, tabi kami ni ate, tabi si mama saka si Tita Alice. Si Kevin, sa sofa sa sala matutulog.

Kinuha nya ang tubig na naghihintay sa ibabaw ng mesa. Uminom ng kaunti, para bang kumukuha ng bwelo para sabihin ang susunod na pangyayari.

Jam: Nagkaayaan na maginuman kasi ilang oras na lang birthday ko na. Si mama, tinabihan na si ate sa pagtulog matapos nya kaming sabihan na wag maglasing. Sinabayan kami ni Tita Alice, baka daw kasi mapalakas ang inom ko, salo daw kami. Pero naunang bumagsak si Tita sa sofa. Di ko na din alam kung ano yung mga nangyari dahil nalasing ako agad.

Huminto sya, at naghabol ng mga hikbi. Tumingin sya sa akin na parang nagmamakaawa. Agad din namang bumaling sa malayo ang kanyang tingin.

Jam: Napadilat ako dahil parang may sumigaw. Naramdaman ko ang matapang na amoy ng alkohol na galing sa hininga ng isang taong katapat ko ang mukha sa pagkakahiga. Nakadantay ang braso at binti nya sa akin. Ako naman, nakatagilid sa kanya.

Uminom syang muli ng tubig.

Jam: Nagising ang diwa ko sa lakas ng sigaw ni ate, kasinglakas ng paghampas nya kay Kevin na bumangon na din. Bigla kong narealized ang mga nangyayari. Si mama ang umawat kay ate, si Tita Alice, hinila si Kevin palabas ng kwarto. Galit na galit si ate kay Kevin.

Ipinatong nya ang baso sa mesa at tumingin muli sa akin.

Jam: I felt so guilty Robin. Inakap ako ni ate non, tinanong nya kung OK lang ako, kung nasaktan daw ba ako. Hindi nya inisip si Kevin. Ako agad yung inintindi nya

RH: Why are you guilty?

Jam: I don’t know how things went there. Sobrang lasing ko non. But what I felt guilty about is because I know how much ate loves him, and I knew at that very moment, their relationship will end.

Nagpunas uli sya ng luha.

Jam: And I was right, di na sila nagkita ni Kevin from that day on.

RH: Bakit mo sinabi sa akin to?

Bumalik ang tingin nya sa akin. Ako naman ang umiwas ng tingin. Hindi ko alam kung kaya kong tanggapin ang mga susunod nyang sasabihin. Sa isip ko ay may mga larawang nabubuo, mga eksenang nagbibigay sa akin ng mas maraming tanong.

Jam: Because I want to be honest with you. I realized that, in order to do that, you should know everything about me, even this dark little secret I wish I never had! Remember when ate freaked out, nung nasa bahay tayo minsan?

Oo, naalala ko na, nung sumablay akong ibahin yung topic para mapakalma sila.

Jam: I never wanted her to tell you that story, kasi di ko alam kung anong pwede mong isipin sa akin. Pero ngayon, wala na akong pakialam kung anong magiging tingin mo sa akin, I just want to be completely honest with you that even the darkest secret that I have, eto, sinasabi ko na sayo.

Naramdaman kong inaabot nya ang kamay ko, ngunit umiwas ako at ipinatong ang kamay ko sa mesa.

Jam: No secrets, I just want us to be back together. I am sorry for all the lies, about my Naga trip, and Red, tao lang ako Robin, nagkakamali.

Inamin sa akin ni Jam na intensyon nyang wag sabihin sa akin na kasama si Red sa Naga. Ang mas mabigat pa, sinabi nyang may nangyari sa kanila habang kami pa, mga limang beses daw, at hindi naputol ang communication nila kahit kami na. May mga gabi daw na magkatext sila, pero flirt lang naman daw.

Jam: Pero tapos na yon, napatunayan ko kung gano mo ko kamahal.

Hindi yon yung tanong dito.

Jam: At napatunayan ko na mahal kita at di ko kaya na mawala ka sa akin. So, please, Rob? Here I am, weak, vulnerable, exposed, and I am in desperate need of your love and forgiveness.

Bumilis ang pagtulo ng luha mula sa mga mata nya, na kahit punasan nya gamit ang kanyang mga kamay ay halata pa din. Mahina at garalgal na ang boses nya, halatang pinipigilan ang isang malakas na hagulgol. Ibinalik ko sa malayo ang tingin ko, at naramdaman kong inihilig nya ang ulo nya sa balikat ko.

Jam: I just want us back Robin. I am so sorry. Kung gusto mo hindi na ako tutuloy sa Singapore.

Mabilis nyang hinawakan ng dalawang kamay ang braso ko. Hinila nya ito ng bahagya para tingnan ko sya sa mata.

Jam: I love you, please give me another chance.

Wala na sa isip ko yung pagttrabaho nya sa Singapore. Yung pagtataksil na ginawa nya sa akin para kay Red, hindi ko na halos ikinagulat, matagal na akong may kutob tungkol don. Saka marami naman nagkkwento sa akin sa school na madalas silang makitang magkasama sa library pag may klase ako at vacant si Jam. Baka nga kaya ayaw nyang mabuntis agad dahil siguradong pag nangyari yon, hindi lang career nya ang nakasalalay, pati yung kanila ni Red.

Isa lang ang laman ng isip ko, yung nangyari sa Bohol. Posible kayang ginawa lang ang lahat ni ate para makaganti kay Jam? Is there a chance, no matter how small, that what she showed me were all fabricated feelings and emotions so she can lure me into her trap? Posible kayang hindi lang si Jam ang nanloko sa akin, baka pati din si ate?

Biglang umayos ng upo si Jam at mabilis na nagpunas ng mga luha ngunit halata sa mata nya ang pag-iyak. Napansin din pala nya na parating na ang mama nya.

Tita: Oh, you broke up na? Its earlier than I thought…

Tita Alice: Ate, please.

Hindi ko alam kung pabiro o sadya ang pang-aasar nya.

Tumayo ako at nagpaalam.

RH: Mauuna na po ako tita. Salamat po sa inyo. Hindi ko na po kayo maihahatid sa bahay may aasikasuhin pa po ako.

Sabi ko lang yon, pero inis lang ako sa mga nangyayari.

Tita: No need, we can manage.

Mabilis akong naglakad para lumabas ng restaurant. Palabas na sana ako ng pinto nang may humawak sa kamay ko. Lumingon ako para alamin kung sino ang pumigil sa akin. Si Tita Alice. Mas bata sya kesa sa mama ni Jam. Mas mataba at mas maliit. Maikli ang kanyang buhok na halos pantay lang sa kanyang tenga. Di hamak na mas mabait siyang tingan kesa sa mama ni Jam. Mas kaaya-ayang tingnan ang mukha nya, kesa sa napaka-strict na aura ng kapatid nya.

Tita Alice: Naku Robin, pasensya ka na sa ate ko. Ganun lang talaga yon, mula nung nawala yung husband nya.

RH: Wala po yon.

Tita Alice: I hope hindi ka naoffend sa pagtatanong nya kanina ha, I think she only wants what is best for Jam. But, you know, I see that drive in you anak. I know, you can give Jam a better future.

RH: Maraming salamat po tita.

Nilabas nya ang kanyang wallet, at dumukot ng pera.

Tita Alice: I know student ka palang, at baka naubos ang allowance mo kakabantay kay Jam. Eto, pamasahe mo pauwi, magtaxi ka na, puyat ka din siguro, baka mapano ka pa.

RH: Ay, hindi na po, ayos lang po may pera pa po ako. Salamat po tita.

Tita Alice: I insist. Sige na. Salamat sa pagbabantay mo sa pamangkin ko. Thank you, and regards sa parents mo. Life is tough, but just hang in there.

Ngumiti sya sa akin at tinapik ako sa balikat.

Napilitan akong kunin ang iniabot nya. Sa totoo lang, saktong-sakto lang ang laman ng wallet ko pauwi, kaya OK na din to. Nagpaalam ako sa kanya at tuluyang lumabas ng restaurant.

Balot ang isip ko ng maraming tanong, hindi tungkol kay Jam, tungkol sa amin ni ate. Sa sobrang galing nyang mag-isip, hindi imposible na planado nya ang lahat ng to. Hindi kaya sinadya nya na akitin ako, tapos papaniwalaing mahal nya ako? Hindi kaya sinadya nyang mapamahal ako sa kanya, para sa dulo, mas masaktan si Jam, dahil hindi lang kami naghiwalay, minahal ko ang ate nya, sapat, para hindi kami magkabalikan. Ang hirap, nakakabaliw ang mga tanong, masalimuot ang pwedeng kalabasan.

Palabas na ko ng ospital nang masalubong ko si ate. Madami syang dala, mga gamot siguro ni Jam. Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Hindi ko nga alam kung may mararamdaman pa ba ako. Hindi ko alam kung pagibig ba ang natagpuan ko, o naging biktima ako ng isang trahedyang marahan nyang pinagplanuhan.

Ate: Nanjan pa ba sila?

Tumango lang ako.

Ate: Make sure you don’t tell Jam about us, promise me.

I stared at her eyes. Coldblooded. Hindi ko makuhang magalit dahil hindi ko makuhang mag-isip kung ano ang nararamdaman ko.

RH: I just want some time to think.

Alam kong nagisip sya ng isasagot nya, pero hindi ko yon kelangang madinig.

RH: We all need a break from this mess.

Nakita ko ang reaksyon ng mukha ni ate, nagulat sya at hindi alam kung ano ang gagawin.

Hindi ko na hinintay ang susunod nyang sasabihin. Umalis ako at sinimulan ang isang mahabang byahe pauwi sa amin.

***

Dalawang araw matapos makalabas ni Jam sa ospital, nagdesisyon ang mama nya na isama muna sya sa Ilocos bago ang nalalapit nyang graduation. Tinawagan nya ako para magpaalam. Gusto ni Jam na magkabalikan kami, pero hindi ako agad sumagot. Sa dami ng nalaman ko tungkol sa kanya, at kay ate na rin, gumulo lang lalo ang lahat. Nakiusap ako sa kanya na pagbalik na lang nya kami ulit mag-usap. Sinabihan ko syang magpahinga na muna, palakasin nya ang katawan nya at pagisipang mabuti kung papano uusad mula sa paghihiwalay namin.

Hindi ko naisip na magiging ganito kasalimuot ang lahat. Magulo, at bawat araw, mas maraming nagiging tanong kaysa sa natutuklasang sagot.

Nagtext ako kay ate pagkalabas ni Jam sa ospital at sinabi kong gusto ko munang mag-isip sa mga susunod na araw, at baka mas makabubuting hindi muna kami magkita o mag-usap.

Magtatatlong araw na ding hindi kami nag-uusap ni ate. Sa totoo lang, marami akong gustong itanong sa kanya, pero hindi ko alam kung paano. O baka mas tamang sabihin na hindi ko alam kung kaya kong tanggapin ang mga isasagot nya sa akin. Minsan kasi mas mabuti pang hindi mo na lang alam, kesa malaman mo ang mga bagay na makakasakit sayo. Pero sa sitwasyon namin, hindi pwedeng hindi ko malaman, ang tanong lang, kailan ako magiging handang harapin ang katotohanan.

Nasa bahay lang ako at katatapos maghapunan, nagpapahinga, nagiisip kung ano ang dapat kong gawin nang tumunong ang cellphone ko. Si ate, tumatawag. Sinagot ko, dahil alam kong hindi naman sya tatawag kung hindi importante, lalo ngayong gabi na.

Ate: I am sorry I called.

RH: Bakit?

Ate: Kilala mo si Gary? Yung bantay dito sa apartment? Kakwentuhan ko kasi kanina.

RH: Oo, bakit?

Ate: Nakakwentuhan ko kasi kanina, yung anak nyang panganay, first year ECE pala yon, e hindi daw ayos yung final grade kaya pinagspecial project nung prof nya.

Hindi ako sumagot kahit pa huminto sandali sa pagsasalita si ate na para bang naghihintay ng isasagot ko. Napilitan tuloy syang magsalita.

Ate: Pinagawa ng power supply ba yon? E bigla daw pumutok o nasunog habang ginagawa nila kaninang hapon, e wala na sila mabilan ng pyesa. Kaya tong si Gary umiiyak kanina, matatanggal daw sa scholarship yung anak nya pag bumagsak. E kailangan daw maipasa sa prof bukas ng tanghali.

RH: Ano gusto mong gawin ko?

Ate: Baka naman matutulungan mo.

RH: Sige sabihin mo kay Gary, wag magalala, darating ko bukas ng maaga.

Ate: Salamat. Nakakaawa kasi yung tao, pag nawala yung scholar–

RH: Ok na ba?

Ate: Sorry, sige ok na. Salamat.

Pinutol ko na ang tawag ni ate. Maliban sa hindi talaga nakakatulong sa akin ang may kausap pag nagiisip ako, may halo na din kasing galit o inis yung nararamdaman ko mula ng marining ko ang kwento ni Jam tungkol kay Kevin. Ewan ko ba, alam kong dapat kong kausapin si ate tungkol dito, pero tao lang din naman ako, siguro naman, hindi mali na maramdaman ko ang ganitong emosyon. Lalo pa kung iisipin na ang galing magplano ni ate sa mga bagay-bagay. Ilang beses bang una lagi syang nakakaisip ng paraan dati para makasalisi kami kay Jam, o yung mga tricks nya para di kami mahuli o mapaghinalaan.

Naligo agad ako pagkatapos naming magusap. Nagpaalam ako sa mga magulang ko na kailangan ko lang umalis. Sanay na din naman sila sa akin. Binibiro pa nga ako na baka magkasakit ako sa halos tatlong araw na pananahimik ko sa loob ng bahay.

Agad akong bumyahe papunta kina Jam, pero hindi si ate ang pakay ko. Close kami ni Gary, mabait sya at mapagkakatiwalaan talaga. Madalas nakakakwentuhan ko sya dati pag naghihintay ako ng masasakyan pauwi. Parang di kaya ng konsensya ko na hindi agad tumulong sa mga taong mabait sa akin. Isa pa, alam ko ang hirap na pwede nyang harapin pag nawalan ng scholarship ang anak nya. Saka kung bukas ako ng umaga pupunta, baka hindi ko agad magawa, lumampas sa tanghaling deadline, tapos hindi tanggapin ng prof ng anak nya. Ewan ko ba, pero, alam kong hindi ako makakatulog ng mahimbing kung ipagpapabukas ko pa ang pagtulong sa kanya.

Inabot ako ng trapik at alas nueve pasado na ng gabi ng dumating ako kina Jam. Nakatanaw sa malayo si Gary nung dumating ako, halatang problemado. Lumapit ako sa mesa nya para maglog sa visitors logbook.

RH: Nasan na?

Gary: Alin sir?

RH: Yung project ng anak mo, balita ko nasira daw e kelangan mo daw bukas?

Lumiwanag ang mata nya at mabilis na tinawag ang anak nya na kasama nyang nakatira sa maliit na staff house sa loob ng apartment.

Pumwesto kami sa mesa ni Gary para may upuan ako saka outlet, saksakan. Tiningnan ko ang sira ng power supply. Sisiw. Papalitan lang yung capacitor, baligtad kasi pagkakalagay. Buti may dala kong toolkit na nasa backpack ko. Ilang hinang at konting tester lang, gumana na.

Gary: Naku sir, hindi ko alam pano ko magpapasalamat sayo.

RH: Saka ka na magthank you, pag graduate na yang anak mo.

Tumingin ako sa anak ni Gary.

RH: Mag-aral kang mabuti ‘neng, maganda yang course mo, sa umpisa lang mahirap yan. Sipag lang yan bata, isipin mo hirap ng tatay mong magbantay dito nang halos buong araw. Kaya mo yan kid!

Pinapasok na ni Gary yung anak nya sa bahay nila matapos ang walang hanggang pagpapasalamat nung bata sa akin.

Gary: Buti na lang sir, nakwento ko kay mam yung nangyari sa project ng anak ko, sigurado ako sya nagsabi sayo no?

RH: Oo, tumawag sa akin pagkatapos nyong mag-usap.

Gary: Ang bait ni mam, ano sir? Masama lang magcomment, pero tingin ko mas bagay kayo.

RH: Loko! Kung ano-ano sinasabi mo ha.

Gary: Totoo sir! Alam mo, pag nakikita ko kayong magkasama ni Mam Jam, halata kong may kulang sayo, parang walang ngiti dyan sa mga mata mo.

RH: Huy! Pati mata ko binabantayan mo?

Gary: Hindi sir, pansin ko lang naman. Lamang ako sayo ng ilang hakbang pagdating sa ganyang bagay.

RH: Hay naku, sige na, uwi na ko, yan lang pinunta ko dito.

Gary: E si Mam Rose nasa taas di mo ba babatiin sir?

RH: Di na, wala naman si Jam dyan.

Gary: Kaya nga…

RH: Puro ka kalokohan, sige na, malayo pa byahe ko.

Dumukot si Gary sa bulsa nya.

Gary: Sir, pamasahe man lang, maraming salamat talaga sir.

RH: Bigay mo na lang sa anak mo yan, baka kulang lang sa baon yon kaya nahihirapan sa course nya.

Natawa si Gary sa biro ko. Lumakad na ko palabas ng gate nang may narinig akong tumawag ng pangalan ko. Hindi ako pwedeng magkamali, kilalang-kilala ko yung boses na yon.

Ate: Robin!

Lumingon ako at nakita syang papalapit sa akin.

Ate: Patulong naman ayaw mag-on nung computer ko.

Hindi ako kumibo at sumunod ako sa kanya papanik sa bahay nila. Sumaludo si Gary, sabay bigay ng thumbs up at ngumiti.

Pumapanik kami ng hagdan. Naka-pangtulog na si ate, light blue ang kanyang tshirt, at itim ang kanyang pajama. May konting pamumugto ang kanyang mata, mukhang galing sa iyak.

Ate: Darating ka pala, bakit di mo sinabi sa akin? Kung hindi lang pumanik dito yung anak ni Gary para magpasalamat di ko malalaman na nanjan ka.

Di ako sumagot at inantay kong makarating kami sa loob ng unit nila.

Binuksan ni ate ang pinto gamit ang dala nyang susi. Pinauna ko syang pumasok, saka ako sumunod. Hindi ako umupo sa couch, nanatili lang akong nakatayo hanggang isara nya ang pinto.

RH: Kala ko sira?

Tinuro ko ang PC nya na nakabukas naman.

Ate: Sinabi ko lang yon para pumanik ka. Ano bang problema? Ang tagal na nating hindi nag-uusap, hindi ba dapat mag-usap na tayo? Ano bang nangyari?

Umakap sya sa akin habang nakatayo kaming dalawa. Walang ibang tao sa bahay kaya hindi nakakailang na nasa ganung posisyon kami. Hindi ako sumagot. Pilit kong tinatanong ang sarili ko kung handa na ba ako sa mga bagay na pwede kong malaman.

Naramdaman ko ang paghikbi ni ate.

RH: Sino si Kevin?

Oras na para linawin ang mga bagay-bagay.

RH: Totoo ba yung nangyari sa kanila ni Jam sa Bohol?

Mga bagay na hindi ko alam kung makakasakit sa akin.

RH: Kaya ba may nangyari sa atin dahil gumanti ka kay Jam?

Kailangan kong sabihin ang mga bagay na ilang araw ko ding inisip. Hindi ko alam kung ano ang isasagot nya, pero kakayanin ko naman siguro kung ano man yon.

Kumalas sa pagkakayakap sa akin si ate at tiningnan ako sa mata. Inulit ko ang tanong ko.

RH: Kaya ba may tayo para makaganti ka kay Jam?

Unti-unting tumaas ang boses ko. Naghalo-halo na ang emosyon na nararamdaman ko. Hindi ako makapaniwala na matapos ang nangyari sa amin, pwede pa lang ang lahat ng yon ay para lang makaganti sya sa kapatid nya. Hindi dahil sa nararamdaman ko, o sa nararamdaman nya, kung meron man.

Hindi pa din sya sumagot, kaya’t kasabay ng pagpapakawala ko ng mga agam-agam na gumugulo sa isip ko ay ang isang malakas na sigaw.

RH: Ginamit mo lang ba ko para makaganti ka sa kapatid mo?

Isang mas malakas na sampal ang tumama sa pisngi ko, kasabay nang pag-agos ng luha galing sa mga mata ni ate.

Ate: Gago ka! You judged me in an instant without even asking it straight from me?

Hindi nya inaalis ang tingin nya sa akin. Hindi malakas ang boses ni ate, ngunit ramdam ko ang mga salitang binitawan nya.

Ate: And you have the nerve to ask me that question? I love you Robin, not because of anything else, but because of who you are. I love you because of the things I feel when I am with you. Mahal kita dahil, dahil sayo ko nakita yung sarili kong matagal nang nawawala.

Hindi ako nakasagot.

Ate: And it is just so unfair that you judged me right away. You already concluded in your mind na gumaganti lang ako kay Jam. Isn’t it right? The moment you heard her story, you thought kaya may nangyari sa atin at kaya tayo ganito ngayon, e dahil gusto kong makaganti? Ano bang sinabi nya sa’yo?

Lumakas ang iyak ni ate, at napilitan syang umupo sa couch. Nakapatong ang siko nya sa kanyang hita, at nakasubsob ang mukha nya sa kanyang mga palad. Ilang sandali pa ay humina ang kanyang pag-iyak. Hinawi nya ang kanyang buhok, at ang lungkot na kanina lang ay nakapinta sa kanyang mukha ay napalitan ng galit.

Kinwento ko sa kanya ang lahat ng sinabi ni Jam tungkol sa gabing yon.

Tumahimik ako matapos ang mahabang kwentong dahilan ng iba’t-ibang lawarang napipinta sa aking isipan. Naunahan ako ng takot na baka nga nagamit lang ako. Naunahan ako ng takot na yung nararamdaman ko kay ate ay bunga lang ng isang manipulasyon, at hindi ng totoong emosyong pinaguugatan ng lahat ng pagmamahalan.

Tumayo sya at pumasok sa kwarto. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin. Kung aalis na ba ako, susundan ko sya, o kung ano pa man. Pinili ko na lang na maghintay kung ano ang susunod nyang gagawin.

Lumabas sya ng kwarto, dala ang isang envelope. Umupo sya sa couch at nanatili ako sa likod ng pintuan.

Ate: Tandang-tanda ko pa yung buong araw na yon, pati yung mga araw na pinaplano namin yung trip sa Bohol.

Nagsimula syang magkwento. Matigas ang kanyang pananalita. Wala nang luha sa kanyang mga mata na kasalukuyang nakatingin sa malayo.

Ate: Tuwang-tuwa si Kevin nung sinabi kong sasama sya sa Bohol. First time sana nyang sasakay ng eroplano.

Halos hindi kumukurap ang mga mata nya.

Ate: First year college ako nung una kaming magkakilala. Si Jam 3rd year high school at nasa probinsya pa, kaya walang point na magrent ng apartment dahil ako lang naman ang nasa Maynila.

Sumandal ako sa likod ng pinto. Mukhang mahaba pa ang kwento nya.

Ate: Matagal-tagal din nanligaw sa akin si Kevin, 3rd year na ako nung naging kami, dito na nga kami nakatira ni Jam non, kasi first year college na yung kapatid ko non. Dito ko mismo sinagot si Kevin, nung minsang hinatid nya ako tapos wala si Jam.

Hindi ko inaalis ang tingin ko sa kanya. Nakatingin pa din sya sa malayo, na para bang hindi nahaharangan ng pader ng bahay ang kanyang tinatanaw.

Ate: Mabait si Kevin.

Mejo nangiti sya na para bang naaalala ang mga araw na magkasama pa sila.

Ate: Parang ikaw. Responsable, may drive sa buhay, maalaga. Nainlove ako sa kanya, sa madaling salita. Ramdam kong ayaw pa ni mama na magkaboyfriend ako, kaya lumayo ang loob ko sa mama ko, ayoko sa lahat yung pinapakialaman ako.

Tahimik lang ako at hinintay kung ano pa ang sasabihin nya.

Ate: Maaga kami sa NAIA non kahit 8AM pa ang flight namin, pero dahil sumabay kami sa office service ni tita na papuntang Batangas, 5AM palang nasa airport na kami. Kasama namin si Girlie na pauwi sa probinsya nila sa Davao, 2PM yata ang flight nya non kaya ang tagal nya naghintay sa airport.

Walang kagatol-gatol ang mga salitang binibitiwan nya. Halatang malalim ang pinaghuhugutan,.

Ate: Ang sabi ko kay Kevin, dapat nasa airport na sya ng 6AM. Ang usapan namin, sa airport na kami magkikita. Student palang ako non, kahit may cellphone ako, madalas wala akong load kaya hindi ko sya matext o matawagan. Hiniram pa ni tita yung cellphone ko pagtapos nya kaming ibaba sa NAIA. Naglowbatt kasi yung cellphone ni Tita Alice at hindi alam nung driver nya ang papunta sa venue ng seminar, kaya kelangan nya ng telepono, para may pantawag sya sa mga kasama nya. Syempre pinahiram ko, nakita mo naman siguro kung gano sya kabait sa amin, di katulad ni mama. Saka sino ba naman ang tatanggi? Sabi din kasi ni tita, ibabalik nya sa akin na may load pagdating nila sa Bohol ni Jam.

Nangawit na ako kakatayo kaya umupo ako sa tabi nya. Pero hindi kami magkalapit.

Ate: Nakalapag na kami ni mama sa Bohol ng sinabi sa akin ni mama na nagtext daw si tita na late nagising si Kevin. Kahit papano nawala ang kaba ko kakaisip baka kung napano sya. Sinagot na daw ni tita yung rebooking ng ticket dahil nakonsensya na baka kaya hindi kami nakapagusap ni Kevin ay dahil nasa kanya ang cellphone ko. Hindi na ako nakitext kay mama para makausap si Kevin dahil alam ko naman na magkikita kami sa susunod na araw.

Ramdam ko ang pawis na namumuo sa noo ko. Hindi ako sanay na ganito kami ni ate.

Ate: Nung Myerkules na yon, nagbeach kami ni mama mula umaga hanggang lunch. After lunch mejo sumakit na ang ulo ko kaya nag-aya na ko pabalik sa hotel. Tumindi yung pagsakit ng ulo ko after naming magmeryenda ni mama, kaya nung mga magaalisingko na, natulog ako sa kwarto. Ginising ako ni mama nung gabi o hatinggabi na yata yun, dahil pinapalipat nya ako ng kwarto para tabi kami ni Jam at tabi sila ni Tita Alice.

Unti-unting lumuha si ate. Pero matigas pa din ang boses nya.

Ate: Pag lipat ko sa kwarto. Dun ko nakita si Kevin, naka-akap kay Jam. Magkatabi sila sa kama. Magkaharap ang mga mukha nila. Sa galit ko, pinaghahampas ko si Kevin. Hindi ko alam ang mararamdaman ko non. Kaya galit na lang ang pinili ko. Umiyak si Jam non, at sinabi nya na hindi nya alam ang nangyari dahil nakainom sya. Hindi ko sya pinagpaliwanag at inakap ko sya ng mahigpit. Sabi ko ayos lang, ang importante ok sya.

Tumigil sya sandali.

Ate: I thought Kevin took advantage of her. So I apologized to Jam for bringing Kevin with us. I stayed with Jam all through our Bohol trip, dahil iniisip ko, natrauma sya. Pero sa totoo lang, hindi rin ako OK. Imagine, yung tumatakbo sa isip ko nun, dimonyo yung lalakeng mahal ko, pati kapatid ko gustong makuha. Imagine that feeling na kasalanan ko kung bakit nagkaron ng pagkakataon yung lalakeng yun para walanghiyain si Jam. I bear that guilt that was so heavy I thought I am going to breakdown.

Inabot ni ate ang envelope sa akin na agad ko namang binuksan.

Ate: Pero nagkamali ako. It was an unnecessary guilt. It was something na hindi ko naramdaman non.

RH: What do you mean?

Ate: May hindi alam si Jam. May nagpadala sa kin nyan nung pagdating namin sa Manila. Kuha yan nung araw ng Martes, one day bago yung flight nila Jam. Ayan, may timestamp.

Nakita ko ang mga larawan ng isang lalaking naka tshirt na itim. Matangkad, payat at mejo maitim ang balat. Nakatayo sa harap ng gate ng apartment nila Jam. Maraming kuha ang lalaki na para bang may hinihintay. Ang mga kasunod na picture ay kasama na si Jam. Magkaharap sila nung lalaki at papasok sa gate ng apartment.

Ate: Si Kevin yan, saka si Jam. Nakabalik na kami sa Manila nung nalaman ko na nagpunta dito si Kevin kahit wala ako. Tapos, ayan, silang dalawa ni Jam. Walang ibang tao nyan sa bahay, sila lang, so anong gagawin nila dito? Naglaro ng video game? I thought Kevin took advantage of her, but I realized, days after, it was mutual.

RH: So? Kaya nga, gumaganti ka lang! Dahil galit ka kay Jam!

Ate: Hindi yan alam ni Jam. Kung galit ako kay Jam, pinakita ko na yan sa kanya. Pero pinili kong maniwala sa sinabi nya nung gabing yon na hindi nya alam pano nangyari na katabi nya na bigla si Kevin. I tried asking Tita Alice kasi sabi ni Jam, nandun sya sa sala habang nagiinuman sila. Pero mas maaga syang nalasing at nakatulog sa sofa.

Tumayo si ate mula sa pagkakaupo sa couch.

Ate: Pinili ko si Jam kesa kay Kevin. Alam ko na pag nalaman nya na alam ko ang kalokohan nila ni Kevin, lalo lang syang maguguilty. Kung kasinungalingan ang igaganti nya sa akin sa pag-aalala ko sa kanya nung gabing yon, sa pagpili ko sa kanya kesa sa lalaking yon, ayos lang. Ayoko lang na lumala pa yung guilt na dala nya. I never wanted her to feel that way.

RH: It doesn’t make sense! You are doing this for revenge!

Ate: It does, and you said it! Revenge comes from anger and betrayal. Two emotions I chose not to feel for my sister because I love her so much!

Tiningnan ko sya sa mata. Tumayo ako para lumapit sa kanya, ngunit humakbang sya paatras.

Ate: So you are so wrong to think that I love you for revenge, that everything happened between us is just for me to get even. Because I chose to believe, up until today, that Kevin is the villain of this story, and not the both of them! I kept those pictures dahil iniisip ko na babalik si Kevin, gusto kong isampal sa mukha nya yan, how he cheated on me with my sister!

Huminto ang mundo ko sa narinig ko. Mali ako. Hindi ko dapat pinagdudahan si ate.

Ate: There is no revenge here Robin, because I never let my self feel that anger towards my sister, because I love her so much that I would rather hurt myself than let her bear more pain.

Muling lumuha ang kanyang mga mata.

Ate: Yun ang huling pagkikita namin ni Kevin, di na kami nagkita ulit o nag-usap matapos ang gabing yon.

Wala akong ibang naramdaman kung hindi ang pagpatak ng luha ko.

RH: Sorry.

Ate: Are you happy now? Dahil ba dito kaya kailangan mo ng space? Dahil sa akala mo lahat ng nangyari sa atin, gawa-gawa lang para makaganti ako kay Jam?

Napayuko ako mula sa pagkakatingin ko sa kanya. Magkaharap kaming dalawa sa loob ng bahay na walang ibang laman kung hindi dalawang kaluluwang pagod sa masalimuot na paglalakbay.

Ate: Look at me.

Mahina ang kanyang boses. Hindi ako sumagot, hindi ako kumilos. Sa sobrang tahimik ng paligid, dinig ang pag-galaw ng orasan, dinig din ang mabilis na tibok ng puso ko na puputok na yata sa halo-halong emosyong nararamdaman ko. Mga emosyong pinangungunahan ng takot, takot na baka dahil sa maling pagdududa ko sa kanya, mawala ang lahat sa amin.

Ate: Look at me!

Sumigaw sya dahil para bang wala akong nadinig sa una nyang sinabi. Hindi pa din ako umalis sa pagkakayuko.

Ate: Yes you took my soul to the heavens, but you put me back to hell for thinking that I manipulated you, I said look at me!

Napilitan na akong tumingin sa kanya. Walang tigil ang pagpatak ng luha sa magkabilang pisngi. Ngunit hindi mababakas sa mukha nya ang lungkot. Galit. Galit ang emosyong bumabalot sa kanya ngayon.

Ate: That’s right. Look at me. I am broken. Broken by the man who I thought would fix me, because yes, I am in desperate need of someone who would make all these things go away. I thought it was you, because with you, I never cared about the world. Because with you I love myself more than Jam. Naniwala na ko na kaya kitang ipaglaban kung itutuloy natin yung relasyon natin. Alam ko sa sarili ko, na this time, I would not choose Jam over my love. I was willing to take this ride with you, kahit pa magmukha akong mang-aagaw ng boyfriend ng sarili kong kapatid.

Bumagal ang kanyang pagsasalita, ngunit ramdam ko pa din ang talim ng bawat katagang lumalabas sa kanyang bibig.

Ate: But I made the biggest mistake of falling in love with you. You broke me and you don’t deserve to be here, you don’t deserve to be in my life. You broke me for not trusting that what I am with you is real, and I wish na sana nga ginawa ko lang to para makaganti kay Jam, para hindi ako nasasaktan ngayon.

Lumakad si ate, binuksan ang pinto.

Ate: Get out.

RH: Im sorry.

Lumapit ako sa kanya para akapin sya. Pero umatras sya.

Ate: I said get out Robin. I dont need you here.