Enero 30, 1969. Kumanta ang Beatles sa huling pagkakataon bilang isang grupo sa bubungan ng Apple Records sa London. Biglaan ang konsyerto na tumagal ng 42 minutos. Pinatigil ng pulis ang walang-permisong pagtatanghal sapagka’t sa dami ng taong nag-ipon sa daan ay nagkaroon ng heavy traffic at gulo.
February 5, 1969. Umabot sa 200 milyon ang populasyon ng Estados Unidos.
Marso 2, 1969. Naganap ang pagsasagupa ng Tsina at Rusya sa border sa Zhenbao Island. Ito ang pinaka-seryoso sa iringan ng dalawang bansang komunista tungkol sa teritoryo. Binalak ng Rusya na atakihin ang Tsina sa pamamagitan ng nuclear missiles. Hindi naisagawa ang balak at naiwasan ang isang digmaang pangdaigdig sapagka’t ang Estados Unidos ay nagbanta sa Rusya: Magkakaroon ng Third World War kapag inatake ang Tsina. Gaganti ang Amerika at pasasabugin ang Moscow at 129 iba pang siyudad sa Rusya.
Samantala, sa Tsina at Rusya, maraming mamamayan ang walang makain at namamatay sa gutom at sakit. Sa dalawang bansa ay wala ring kalayaan ang mga tao – walang kalayaang magsalita, magdasal, mamili ng hanapbuhay, at bumoto.
Abril 15, 1969. Isang eroplano ng navy ng Estados Unidos ang pinabagsak ng North Korea habang lumilipad ito sa ibabaw ng Japanese Sea. Tatlumpu’t isang tripulante ang nasawi.
Abril 28, 1969. Nagbitiw sa pagiging premiere ng Francia si Charles de Gaulle.
February 9, 1969, lumipad sa kauna-unahang pagkakataon ang Boeing 747, ang pinakamalaking eroplano noong panahong iyon.
Marso 2, 1969, ginanap ang unang test flight ng supersonic Concorde.
Hulyo 20, 1969.
Si Gloria Diaz, labing-walong taong gulang, kinatawan ng Filipinas sa Miss Universe Contest; nasa Miami Beach, Florida USA, naghahandang sumagot sa quiz portion ng paligsahan:
Ang tanong: “Kung ang taong galing sa buwan ay doon magla-landing sa inyong bayan, ano ang gagawin mo upang siya ay mabigyan ng magandang pagsalubong?”
Gloria Diaz: “Oh! Uh, gaya rin ng palagi kong ginagawa. Kung galing siya sa mahabang biyahe, palagay ko ay kailangan niyang magpalit ng damit.”
Dahilan sa kanyang talino at ganda, si Gloria ang nagwagi ng pangunahing puwesto – Miss Universe ng taong 1969.
Sa kabilang dako, may mga militanteng grupo ng babae na hindi sang-ayon sa mga beauty contests. Walang katuturan! Pagsasamantala sa babae! Sabi nila.
Maria Lorena Barros, dalawampu’t dalawang taong gulang, dating coed sa Unibersidad ng Pilipinas, ay namundok at sumapi sa National People’s Army na kumakalaban sa diktadurya ni Ferdinand Marcos.
Sumama siya sa mga “taga-labas”, isang hukbo ng mga kabataan na nagpasiyang lumaban sa galamay ng bulok na pamahalaan sa paraang marahas at “underground”. Ang marami sa aktibista ay hindi nilisan ang lungsod at ang pinili na pakikipaglaban ay ang mapayapa at lantarang pakikipaglaban sa kalye kontra sa pamahalaan gamit lamang ang tinig at tapang. Sila ay nasawi – biktima ng malupit na karahasan at pang-aabuso ng militar. Sila’y dinampot, ikinulong, ginahasa, “ti-norture”, o di kaya ay “si-nalvage”.
Sa pananaw ni Lorena, kailangang lumitaw ang katangian ng bagong Filipina.
“Ang babae ng bagong panahon, ang bagong Filipina, unang-una ay isang militante. . . At sapagka’t sa mga siyudad ang pagsali sa mga protesta ay nangangahulugan ng pagmamartsa at pag-ilag sa mga batuta ng pulis, pag-iwas sa mga yari sa likuran ng bahay na molotovs. . . husay sa pagdapa sa lupa kapag ang mga pulis ay nagpapaputok na. . . ang bagong Filipina ay siyang marunong magdala sa kanyang sarili sa ganyang mga pangyayari sa paraang may dignidad at makakukumbinsi sa mga lalaking kasamahan na hindi niya kailangan ang tulong, paki-usap l’ang.
Ang bagong Filipina ay kayang makisama sa mga nag-ii-strike na manggagawa nang kahi’t ilang araw o gabi, pumulot ng dunong sa kanila na hindi niya napag-aralan sa mga eskwelang burgis. . . at higit sa lahat, mahalaga ang nakukumbinsi niya ang kanyang mga magulang na tama ang kanyang pagtulong sa mga manggagawa at magsasaka. . . isang pagtulong na humihingi ng mga husay at katangian na naiiba sa katangian ng pangkaraniwang babae. . . Siya ay isang babae na nakatuklas na may higit na magiting at malawak pa na pananagutan, isang babae na may pangako sa kasaysayan. . . hindi na siya ang babae na pangkasal lamang, kundi isang babae na panglaban.”
Ilang taon pa ang lumipas ay napatay ng mga sundalo si Lorena sa isang labanan,
Noong Marso 20 ay sinabi ni Richard Nixon, presidente ng Estados Unidos: “Tatapusin natin ang Vietnam War sa 1970.”
Kung manunumbalik sa alaala ang mga pangyayaring naganap noong sumisiklab ang Vietnam War, mapagkukuro na yaon ay isang digmaang walang katuturan. Biyak ang bansang Vietnam noon. Ang Norte ay Komunista samantalang ang Timog ay isang Demokrasya. Dahil sa pangangamba, ang Estados Unidos ay nasangkot sa hidwaan ng Norte at ng Timog. Naniwala ang mga mga may kapangyarihan sa Washington na kung babagsak ang Timog-Vietnam sa kamay ng mga Komunista ay isa-isa at sunud-sunod na babagsak rin ang mga karatig na bansa gaya ng Cambodia, Laos, Thailand at iba pa, kawangis ng mga natutumbang tisa ng domino. Ipinadala ng Estados Unidos ang kanyang sandatahang-lakas sa Vietnam upang tulungan ang sandatahang-lakas ng Timog-Vietnam sa pagtatanggol sa Demokrasya, sa paghaharang sa pag-usad ng mga Vietcong (sandatahang-lakas ng Norte) patungo sa Timog. Sa gayong kaparaanan, ang maliit na sigalot sa pagitan ng dalawang panig ng Vietnam, dahilan sa pangamba, ang maliit na mitsa, ay sumabog at kumalat, naging pinakamalaking digmaan sa mundo pagkatapos ng World War II. Nasangkot ang maraming bansa, pati na ang Pilipinas, sapagka’t ang mga ito’y kumampi sa Estados Unidos at nagpadala ng contingent forces upang tumulong sa “pakikipaglaban sa Komunismo”.
Kim Phuc, Vietnamese, anim na taon siya noong Hulyo 20, 1969. Noong siya ay siyam na taong gulang, noong 1972, siya ang batang nakita ng mundo sa isang retrato na lumabas sa mga pahayagan – isang batang babae na ang damit ay halos nahubad na sanhi ng init na galing sa napalm bomb. Tumatakbo siya sa isang lansangan, kasunod ang isang tila nakababatang kapatid na lalaki. Sa kanilang mga mukha ay makikita ang sindak, ang hapdi, ang nabibinbing kamatayan.
Mary Joe Kopechne, noong Hulyo 18, 1969, sakay ni Sen. Edward Kennedy sa kanyang kotse, nasawi nang ang kotse ay nahulog sa isang tidal channel sa Chappaquiddick Island, Massachussetts. Nailigtas ni Kennedy ang kanyang sarili nguni’t si Kopechne ay nalunod. Siyam na oras ang lumipas bago nalaman ng mga pulis ang pangyayari. Dahilan sa eskandalong ito ay nawala ang pagkakataon ni Edward na maging presidente ng America,
Roy Hamilton, sikat na mang-aawit, namatay sa sakit sa puso. Siya ang umawit ng “You’ll Never Walk Alone” at “Unchained Melody”. Isa siya sa daang-libong nilalang na namatay noong Hulyo 20, 1969 sanhi ng sakit, gutom, krimen, suicide.
Agosto 15-17, 1969. Ginanap ang “An Aquarian Exposition: 3 Days of Peace & Music”, sa 240-ektaryang lupa ni Max Yasgur na pastulan ng baka sa Catskills, White Lake, Bethel, New York. Ang music festival ay nakilala bilang Woodstock. Noong weekend na iyon, tatlumpu’t dalawang awit at tugtog ng iba’t-ibang mang-aawit at banda ang napanood ng kalahating-milyung kabataan. Sabi ng Rolling Stone, ang Woodstock ay isang pangyayari na mahalaga sa kasaysayn ng rock-and-roll. Ipinahayag ng mga kabataan sa pamamagitan ng awit ang kanilang pag-asa na magkaroon ng kapayapaan sa mundo.
Ini-record sa isang silicon disk ang mensahe ng mga pinuno ng iba’t ibang bansa at ito’y dala ng mga astronaut – iiwanan nila sa mukha ng buwan.
Ferdinand Marcos, Pangulo ng Filipinas: “The age-old dream of man to cut his bonds to planet Earth and reach for the stars has given him not only wings, but also the intellect and the intrepid spirit which has enabled him to overcome formidable barriers and accomplish extraordinary feats in the exploration of the unknown, culminating in this epochal landing on the Moon.”
Mohammad Reza Pahlavi Aryamehr, Shahanshah of Iran: “On this occasion when Mr. Neil Armstrong and Colonel Edwin Aldrin set foot for the first time on the surface of the Moon from the Earth, we pray the Almighty God to guide mankind towards ever increasing success in the establishment of peace and the progress of culture, knowledge and human civilization.”
Queen Elizabeth, The Queen of the United Kingdom: “On behalf of the British people, I salute the skill and courage which have brought man to the moon. May this endeavour increase the knowledge and well-being of mankind.”
Indira Gandhi, Prime Minister of India: “On this unique occasion when man traverses outer space to set foot on Earth’s nearest neighbour, Moon, I send my greetings and good wishes to the brave astronauts who have launched on this great venture. I fervently hope that this event will usher in an era of peaceful endeavour for all mankind.”
Hulyo 20, 1969. Tumuntong ang paa ni Neil Armstrong sa mukha ng buwan; at, sa kauna-unahang pagkakataon, ay narating ng tao ang buwan. Kung may salapi, kung may dunong at galing, kung may marubdob na hangarin na marating ang buwan, bakit di muna pagtuunan ng pansin ang mundo, gamit ang mga nasabing kapangyarihan, upang mapawi ang gutom, ang digmaan, ang sakit, ang krimen, ang kawalan ng katarungan at pag-asa?
“Isang maliit na tuntong ng tao, isang malaking hakbang sa buong sangsinukob,” wika ni Neil Armstrong na narinig at nakita sa telebisyon ng milyun-milyong taga-mundo.
. . . “Isang malaking hakbang sa buong sangsinukob.” Kaya?