I decided to stop na. Mas pinili ko na lamang magtrabaho para mabuhay.
Nakapasok ako bilang kasambahay sa isang pamilyang nakatira sa village. Isang pamilya ang pinagsisilbihan ko. Si Sir Lucas na single parent at ang mga anak niyang sina Ma’am Mary, edad 14, at ang kapatid nitong si Elsa, edad 2.
Masaya silang pamilya, perpekto kumbaga. Minsan napapaisip ako, paano kaya kung ganoon karangya at kasaya ang pamilya ko dati?
Siguro makakapagtapos na ako ng pag-aaral sa susunod na taon kung ganoon nga.
Kasama ko sa paglilinis at pag-aalaga ng mga bata sina Ate Ofel. Mabait siya sa akin pati na rin ang anak nitong si Joel, ang hardinero at houseboy.
Si Joel naman ay mas matanda sa akin ng tatlong taon.
“19 ka pa lang talaga? Sayang gusto pa naman kita ligawan,” bulong sa akin ni Joel.
Natawa ako nang mahina. “Masyado pa akong bata para diyan, Joel. Marami namang ibang babae diyan.”
“Eh, sa yo kasi ako nagagandahan. Ampapangit kaya ng mga kasambahay sa kabilang mga bahay.”
Natigil ang aming pag-uusap nang magsalita si Ate Ofel.
“Tama na yan, ilagay niyo na ang mga pagkain sa mesa. Mag-aagahan na sila ser.”
Dali-dali naman naming kinuha ang mga pagkain at isa-isang pinatong sa mesa. Napakaaliwalas ng umagang ito.
Maya-maya pa ay isa-isang nagsibabaan na nga ang aming mga amo.
“Magandang umaga po, ser Lucas!” bati namin ni Joel.
Hindi kami pinansin ni ser at dumiretso na lamang sa pag-upo sa hapag. Nakaramdam kami na masama ang bungad ng araw sa kanya kaya hindi na namin siya kinulit pa ni Joel.
“Magandang umaga po, ma’am Mary at ma’am Elsa!”
“Good morning po, ate Reign, kuya Joel!” masiglang bati ng dalawa.
Ngumiti kaming dalawa ni Joel pareho. Bungisngis nang tunay ang magkapatid.
“Diyan lamang po kami sa kusina. Kung may kailangan po kayo, tawagin niyo na lamang kami.”
“Okay po!”
Umalis na nga kami sa hapag-kainan at dumiretso na sa kusina. Naabutan namin si ate Ofel na naghuhugas ng pinaglutuan.
“Kamusta sila?” tanong niya.
“Ayos naman po, kaso si ser Lucas medyo wala po sa mood,” tugon ko.
“Oo nga, nay. Parang may problema yata si ser.”
“Pabayaan niyo na, baka sa trabaho lang yon,” katwiran ni ate Ofel.
Napapadalas na nga ang pagsimangot ni sir Lucas. Nabalitaan din naming nalulugi na ang kompanya niya.
May mga beses na rin siyang umuuwing lasing. Kinababahala na namin ito ngunit ayaw namin muna mamroblema ang mga bata.
3:58pm
Kasalukuyan akong nagliligpit ng mga laruan ni Elsa nang makarinig ng kalabog sa itaas. Itinigil ko muna ang pagliligpit at umakyat muna upang tignan kung ano ang nangyayari.
Habang naglalakad palapit sa ingay ay alam ko na agad kung ano ang nangyayari. Binuksan ko ang pinto ng kwarto ni Mary at nakita ang mga batang naghaharutan sa kama.
“Mary, Elsa, do you want some meryendas?”
Umiling silang dalawa. “Ate Reign, come and play with us!” alok ni Mary.
“Yeah!” sagot naman ni Elsa.
“May aasikasuhin pa ako sa baba eh. Maybe, next time?”
Sumimangot si Mary sa narinig. “Okay…”
“Just call me if you need me, okay?”
…