Mabilis niyang kinabig ang manibela ng kanyang modelong Mercedes Benz. Pakurba ang daan pero hindi nya naisip mag menor. Nagmamadali si Arnie kailangan nyang dumating sa venue ng symposium bago magsimula ito. Halos lahat ng ospital sa buong kabikulan at karatig lugar ay may delegado sa nasabing kumbensyon. At ang kanilang kumpanya na pioneer sa genetics medicine ay mas makakakuha ng higit na pabor para sa marketing ng kanilang produkto sa symposium na ito.
Matapos ang parang walang katapusang pagmamaneho sa kahabaan ng Maharlika Highway, narating nya ang Sorsogon City. At maya-maya pa ay bumulaga sa kanya ang hotel na venue ng symposium. Ibinigay nya ang susi ng kanyang kotse sa sumalubong na valet ng hotel. Nagtuloy-tuloy siyang pumasok sa lobby ng hotel. Pumunta siya sa reception counter at nagpalista bilang isa sa mga delegado ng nasabing symposium. Makaraang bigyan siya ng ID, at isuot nya ito sa kanyang leeg pumasok na siya sa function room ng hotel. Nagsisimula pa lamang magdatingan ang mga delegado ng symposium.
Pinagala nya ang kanyang paningin at tiningnan nya kung nandoon na ang kanyang sekretarya. Nakita nyang sinasalubong ng mga usherette ang bawat delegado at sinasamahan sa nakatakdang upuan ang mga ito. Nakita nya ang mabilis na paglapit ng isa sa mga usherette ng tumunog ang cellphone na nasa bulsa ng suot nyang Amerikana. Habang itinuturo ng usherette ang upuang laan sa kanya, tinanggap nya ang tawag sa kanyang telepono.
” Good morning Sir Arnie nasa venue na po ba kayo?” Ang tinig ng kanyang sekretarya ang nasa kabilang linya. ” Nandito na po ako sa lobby ng hotel.”
“Dito na ako sa loob, pumasok ka na dito” Sabi ni Arnie sa telepono habang papaupo na siya sa takdang upuan. Inaayos nya ang telepono sa bulsa ng kanyang Amerikana ng mapasulyap siya sa lamesa na nasa kanan nya. Inagaw ang pansin nya ng isang babae sa kabilang mesa. Parang isang artista ang dating nito. Matangos ang ilong na binagayan ng manipis na labi at makipot na bibig. Simple ang suot na puting t-shirt at kupas na jeans pero lalong nagpalitaw sa kagandahan nito ang simpleng kasuotan. Para siyang nabato-balani sa kagandahan ng babae.
Maya-maya ay may lumapit at naupo sa tabi nito na isa ring magandang babae na mukhang nakaririwasa sa buhay. Naka pormal dress ito na coat and skirt. At natatandaan ni Arnie ang pangalawang babae. Anak ito ng kilalang pulitiko na si Congressman Arthur Buenviaje. Nakaramdam si Arnie ng lihim na galak sa isiping natatandaan nya ang pangalawang babae na kausap ng babaing umagaw sa kanyang atensyon. May magandang dahilan siya para lumapit at kausapin ang dalawang babae sa kabilang mesa!
Parang napakahaba ng unang lecture ng umagang iyon para kay Arnie. Kaya naman ng mag-announce ng breaktime una agad siyang tumayo para puntahan ang kabilang lamesa. Kasalukuyang sumisimsim ng pineapple juice ang mga participants sa kabilang lamesa ng lumapit si Arnie.” Higit na mas maganda sa malapitan ang babae.” Naisip nya.
” Please excuse me, di ba ikaw ang anak ni Congressman Buenviaje ?” Bungad ni Arnie sa grupo. Na nakatingin kay Leah pero ang atensyon ay kay Lyn. Napatingin sa kanyang paglapit si Leah at natitigilang inabot ang inilahad nyang palad.
” I am Arnulfo Alcantara. Arnie na lang for short.” Naglabas si Arnie ng mga nakahandang tarheta at ipinamigay sa mga kaharap. Huli nyang inabutan ng tarheta si Lyn at ginagap ang palad bilang pagpapakilala.
“You are Miss..? ” Ibinitin nito ang sinasabi habang hindi iniaalis ang titig kay Lyn.
“Siya si Dra. Lyn Abarrientos,” Si Leah ang nagsalita.
” At ikaw naman si…” Hindi maalala ni Arnie ang unang pangalan ng anak ni Congressman Arthur Buenviaje.
” Leah…Dra. Leah Buenviaje.” Nangingiti na naiiritang pagpapakilala ni Leah sa sarili.
“Ok, then see you girls sa lunchtime !” Nakita ni Arnie ang pagkaway ng kanyang sekretarya mula sa kabilang mesa. Naisip nya tama na muna ang maikling pag eksena nya sa grupo ni Dra. Lyn Abarrientos. Nailatag na nya ang unang hakbang. Kailangan na lamang dugtungan pa ang pagkakataon ng pagkikilala.
“Presko ang dating ng isang iyon !” Naisip ni Lyn. ” Tapos , tinawag nya kaming ‘girls‘! Hmp! How dare him ? We are Doctors ! And hindi ko kailanman iniisip o pinapangarap na maging isang ‘girl‘ nya, ‘no?!!”
Hindi nya napansin ang sarili na napapaismid sa naisip, subalit lalo lang nagpapatingkad sa kanyang ganda ang di namamalayang pag-irap at pag ismid sa tumalilis na lalaking may bigote. Lumabas ang malalim na biloy sa mapupula nyang pisngi. Natigil lang ang kanyang pagmumuni-muni ng mapansin nya na sa kanya nakatingin ang mga kaharap sa lamesa.
Nang dumating ang lunchbreak ay napuno ang Cafeteria ng hotel sa dami ng mga dumalong delegado. Sa tantya ni Arnie mahigit sa 500 katao ang bilang ng mga dumalo hindi pa kasama ang staff at mga organizers. Agad nyang inapuhap ng tingin ang grupo nina Dra. Lyn Abarrientos. Natanaw nya ang magandang doktora na naka upo na sa isang lamesa paharap sa pasilyo ng hotel. May kausap ito na isang makisig nalalaki na nakasalamin at mukhang kagalang galang.Kasalo rin ng mga ito ang anak ni Congressman Arthur Buenviaje.
Hawak-hawak ni Arnie ang wala pang laman na tray na pagkain. Isang oras lang ang lunch break. Sa tantya ni Arnie ay hindi na uubra ang plano nyang makisalo sa grupo nina Dra. Lyn Abarrientos. Nakadama si Arnie ng matinding panghihinayang.
“Hindi bale,” Alo nito sa sarili. ” May gabi pa naman.”Sa gabing ito hindi nya palalagpasin ang pagkakataong makalapit sa magandang doktora.
” Whatever Arnie wants—Arnie gets !” Bulong nya habang naglalagay ng pagkain sa kanyang tray.
Gabi na. Katatapos lang ng huling lecture sa function room. Hinagilap ng tanaw ni Leah ang propesor. At hinahanap din nya ng tanaw ang ka room mate na si Dra. Lyn Abarrientos. Sa ubod ng pakiramdam nya,kung nasaan si Lyn ay maaring nandoon din ang propesor. Nakadarama si Leah ng paninibugho sa nakita nyang closeness ng dalawa. Parang matagal na na magkakilala ang mga ito. Babae si Leah at ramdam nya rin ang kiming paglalandi ng ka room mate. At sa pakiramdam ni Leah kinikilig ang batang propesor kapag nagkakatitigan ang dalawa!
Parang kinukurot ng panibugho ang dalaga sa naisip. Subalit ibahin si Dra. Leah Buenviaje. Siya ay isang Arian. Isinilang siya ng April 12. At ang Aries ay lagi ng palaban at nagwawagi sa bawat labanan. Pareho lang sila ni Dra. Abarrientos na nag-aangkin ng kagandahan. May dalawang biloy lamang si Lyn sa magkabilang pisngi at si Leah ay wala. Ngunit sa tindig at pangangatawan, sa alindog at at angking kagandahan ay patas lamang silang dalawa. Mas lamang si Leah sa karangyaan. Isinilang si Leah na ika nga ay may gintong kutsara sa bibig. Nag-iisang anak siya ni Congressman Arthur Buenviaje. Mas may impluwensya ang pamilya nina Leah.
At sa tunggalian sa larangan ng pag-ibig, ang karangyaan at impluwensya ay malaking puntos upang matiyak ang tagumpay.
Nang hindi makita ang hinahanap, tinugpa na ng paa ni Leah ang pasilyo patungo sa kanilang kwarto. Baka nauna na doon ang ka room mate na si Lyn. Ilang dipa na lang ang layo ni Leah sa pintuan ng kwartong tinutuluyan ng marinig nyang may tumawag sa kanyang pangalan sa may lkuran nya.
“Excuse me, Miss Buenviaje !?” Napalingon siya sa pinanggalingan ng tinig. At hindi nya naitago ang pagka-irita ng makita ang tumawag.” Ito yung nagpakilala kaninang breaktime na general manager ng Genetics Philippines. Arnie yata. Arnulfo Alcantara” Bulong ng isip ni Leah.
” Yes, anything sir?” Ibinitin nya ang sinasabi at tinitigan ang kaharap na pinabilog ang singkit na mga mata.
“Ahh, wala naman, Miss Buenviaje, gusto ko lang maging acquaintance ng grupo nyo ni Dra. Abarrientos, kung pwede!?” Paliwanag ng kausap na tinitigan din siya at parang ipinikit ng mabilis ang isang mata.
“Gusto ko sanang anyayahan kayo sa lobby ng hotel mamaya. And we can go to the bar para naman ma enjoy natin ang gabi between drinks.” Dugtong nito na may pilyong ngiti na pilit itinatago ng manipis na bigote. Naisip ni Leah, parang hindi sa kanya interesado ang kausap. Pakiramdam nya ang tunay na pakay nito ay ang ka room mate at katrabahong si Dra. Lyn Abarrientos. ” Well and good.” Naisip ni Leah. Makakatulong nya ang lalaking kausap upang matiyak ang kanyang tagumpay na maangkin si Professor Artemio Domingo!
“Well, itatanong ko muna sa kasama ko kung ok sa kanya, And please… Mr. Alcantara ba ? Call me Dra. Leah Buenviaje, ok ?” Nakita nya ang biglang pagkapalis ng pilyong ngiti ng kaharap. Umayos ito ng tayo. Nag astang seryoso sabay sabi, ” Oh, I am so sorry Doktora…But can I call you Leah ?”
Napangiti na si Leah sa nakitang asta ng kaharap. “ It’s ok Mr. Alcantara. You can call me Lei. At papasok na ako…” Lumakad na si Leah palapit sa pintuan ng kwartong tinutuluyan nila ni Lyn. Ng akmang pipihitin na nya ang seradura ng pintuan narinig nyang muling nagsalita ang kausap.
“Thanks Lei. At I will be at the lobby at 10:00 o’clock tonight kung pupunta kayo, I will be waiting.” Patapos na sabi nito ng makitang tuluyan ng pumasok ang dalaga sa loob ng kwarto.
Pagkatapos na pagkatapos ng huling lecture sa function room ay agad na tinungo ni Lyn ang kwartong tinutuluyan. Malamig sa loob ng kwarto. Iniwan nilang umaandar ang aircon. Matapos na ilapag ni Lyn ang hawak na kwaderno na dala dala nya ay binuksan nya ang maliit na refrigerator sa kwarto. Kumuha siya ng mineral water at pinawi ang uhaw na nararamdaman. Biglang tumunog ang telepono sa lamesita na nasa ulunan ng kamang hinihigaan nya. “Room service ?” Naisip nya. Wala siyang ideya kung sino ang tumatawag o tatawag sa kanya sa oras na ito.
Subalit biglang pumuno ang iglap na kaligayahan sa puso ng dalagang doktora ng marinig ang tinig sa kabilang linya.
“Lyn si Tim, ito…” Kakaiba ang galak na pumupuno sa puso at isipan ng magandang doktora ng marinig ang tinig ng binata.
“Kung ok sayo, can we meet sa lobby ng hotel mamayang 9:30 pm ? Kung hindi ka napagod na makinig sa mahahabang lectures…