Description: 23-year-old Aya, finally decides to meet Rick, a special friend she once met in a certain website. She plans to confess her feelings to her friend despite their 17-year age gap. Will she succeed in her plan of asking her 40-year-old friend to be her boyfriend?
“Miss gising na.”
Kumunot ang aking noo nang maramdamang may tumatapik sa aking braso. Nang tuluyan kong maimulat ang aking mga mata ay namataan ko ang kundoktor ng bus na sinasakyan ko. Umayos ako nang upo at sandaling pinakiramdaman ang paligid.
Hindi na tumatakbo ang bus at mas ikinagulat ko pa ay wala na ang mga pasahero sa loob nito. Hinawi ko ang kurtina ng bus at kunot-noong pinagmasdan ang mga hilerang sasakyan na natatanaw ko mula sa aking kinaroroonan.
Muli akong bumaling sa kundoktor.
“Kanina pa ho ba nakahinto itong bus?” nahihiyang tanong ko sa matanda.
Tumango naman ito.
“Wala nga sana akong planong gisingin ka hija dahil mukhang pagod na pagod ka. Pero kasi, kailangan naming linisin itong bus para sa susunod na biyahe.”
Dali-dali akong tumayo at nagpasalamat sa matanda.
Suot ko ang backpack na naglalaman ng mga importanteng gamit ko. Habang ang mga braso ko naman ay mahigpit na nakayakap sa maliit na paperbag na dala ko.
May laman itong libro. Libro na isinulat ko at plano kong ibigay sa taong gusto ko.
Pagbaba ko ng bus ay agad kong kinuha ang aking cellphone sa bulsa ko para tingnan ang oras doon. Nakalimutan ko kasing dal’hin ang wristwatch ko dahil sa labis na pagmamadali. Ang malas nga. Dapat talaga nagplano muna ako bago nagpadalos-dalos sa ganitong desisyon.
Nang makita ko ang oras sa aking cellphone ay agad na nanlaki ang aking mga mata.
“Oh, my shit!” impit na tili ko na may halo pang pagpadyak sa kinatatayuan ko.
Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong unahin. Kailangan ko pa bang mag-ayos ng hitsura ko bago magtungo sa coffee shop na napag-usapan namin na magiging tagpuan naming dalawa? O hayaan ko nalang na ganito ang hitsura ko? Sabog ang buhok, walang kahit anong make-up na nailagay sa mukha.
Ah, bahala na!
Wala akong pakialam kung hindi siya magandahan sa akin. Ang importante ay maibigay ko itong libro sa kaniya ng personal. Isa pa, gusto ko rin kasi siyang makita. Hanggang ngayon kasi ay palaisipan pa rin sa akin kung ano talaga ang hitsura niya. Ang alam ko lang tungkol sa kaniya ay matangkad siya. 6’2 raw ang height.
Bukod doon, minsan niya pang nabanggit na dahil mahaba ang buhok niya, inaasar siyang Papa Jesus ng kaniyang mga kaibigan.
Mahilig siya sa kape at hindi siya kumakain nang agahan.
Katulad ko, nagsusulat din siya ng libro. Kaya nga madali kaming nagkasundo dalawa. Bukod pa roon, dahil mas matanda siya sa akin ng labing-pitong taon, marami rin akong natututunan sa kaniya.
Kaya naman kahit hindi ko pa siya nakikita, malaki na ang paghanga ko sa kaniya.
Humugot ako ng malalim na hininga at dali-daling pumara ng taxi. Late na ako ng ilang minuto. Baka umalis na iyon doon.
“Miss saan ka?”
“Sa Gateway Mall po, Cubao,” nagmamadali kong sambit.
Mukhang nagulat pa ang driver nang makita nito ang hitsura ko. Yumuko naman ako at nagsimulang suklayin ang aking buhok gamit ang aking mga daliri.
Kumuha na rin ako ng baby powder at dinampi ang aking palad sa aking pisngi. Para naman kahit paano ay hindi ako magmukhang haggard.
Tiningnan ko pa ang aking sarili sa salamin na maliit na nasa bag ko. Nang makita kong kahit paano ay okay na ang hitsura ko, umayos na ako nang pagkakaupo.
Pumikit ako nang mariin at inisip nang mabuti ang aking sasabihin. Sa barko palang kagabi ay pina-practice ko na ang sasabihin ko.
“I don’t care if you’re 17 years older than I am, gusto kita Rick. I don’t mind what other people would tell me about my decision of choosing you. Basta, hindi kita kayang pakawalan.”
Nang imulat ko ang aking mga mata ay agad kong napansin na nakatingin sa akin ang driver.
“Bakit po?”
Alanganing umiling ang driver.
“Ako po ba ang kinakausap niyo, Ma’am?”
Kumunot ang noo ko.
“Po? Bakit, Rick po ba ang pangalan niyo? Saka ilang taon na ho ba kayo?”
Napakamot naman ng batok ang matandang driver.
“Ah eh, 56 po, Ma’am.”
Tumaas ang kilay ko habang tumatango.
“Yun naman pala Manong. Bukod sa hindi kayo si Rick, hindi rin 17 years ang agwat ng edad natin. 23 lang ho ako, kapag ikaw ang tinutukoy ko, edi 33 na ang agwat natin.”
Alanganing tumawa ang matanda.
“Ah, eh, pasensiya na ho kayo Ma’am. Akala ko ako talaga ‘yun.”
Napangiwi ako at napailing nalang. Imbes tuloy na kaba ang maramdaman ko, nakaramdam ako nang pagkairita sa nangyari. Naku, kapag nagkamali lang talaga ako nang sasabihin mamaya, sisiguraduhin kong ha-hunting-in ko itong si Manong.
Nang huminto ang sasakyan ay dali-dali akong nagbayad at bumaba.
Pumikit ako nang mariin at sinubukang supilin ang kaba sa aking dibdib. Dinaig pa kasing nakikipaghabulan ang tibok nito sa tatlong kabayo.
Ingat na ingat ako sa paglalakad. Inayos ko rin ang pagkakahawak ng paperbag na dala ko.
Kailangan ko lang hanapin ang CBTL sa loob dahil doon kami magkikita.
Nang makarating ako sa labas nito, sumilip ako sa transparent walls ng shop. Kailangan ko lang hanapin ang isang matangkad na lalaki. Basta kapag may nakita akong matangkad, walang duda, siya na iyon. Pero nakailang attempt ako, wala pa rin akong makita.
Baka naman umuwi na siya?
Marahan kong tinapik ang aking pisngi at umiling. Hindi puwedeng mangyari iyon. Kapag umalis siya, ibig sabihin, nasayang lang ang effort ko sa pagpunta rito sa Manila para sa kaniya. Luminga-linga pa ako sa paligid para subukang hanapin siya.
Kagat ang ibabang labi, humakbang ako papasok ng coffee shop. Maraming tao sa loob. Hindi ko tuloy mapigilang kabahan. Paano nalang kung totohanin niya iyong sinabi niyang kaya niya akong halikan sa harapan ng maraming tao?
Naramdaman ko ang panginginig ng aking binti.
Naglakad pa ako at napansin sa hindi kalayuan ang isang lalaking nakasuot ng t-shirt na puti, khaki shorts, at may suot na airpods sa magkabilang tainga ang nakita ko. Matangkad ito at medyo may kahabaan ang buhok.
Marahan akong naglakad para sipatin ito nang malapitan. Nang mapansin niya na panay ang tingin ko sa kaniya, huminto siya sa paglalakad at humarap sa akin.
Pinagtaasan ako nito ng kilay, ako naman na nagtataka ay napatitig lang sa binata. Hinihintay ko na magsalita siya para makumpirma ko kung siya nga talaga ang lalaki.
“H-hi, ikaw ba si Rick?” kinakabahang tanong ko.
Ilang sandali pa, nagulat ako nang bigla nitong hinawi ang buhok gamit ang index finger nito na para bang iritang-irita siya na makita ako.
“Excuse me? Hindi Rick ang pangalan ko.”
Saka ko lang napansin na hindi pala ito isang straight na lalaki. Kinabahan ako bigla dahil napansin ko na nakatingin na ang karamihan ng mga tao sa coffee shop.
Nang ibaling ko ang aking paningin sa pinakadulong bahagi ng shop, saka ko lang napansin na naroon ang isang lalaking matangkad at nakasuot ng itim na shirt.
Naningkit ang mga mata ko nang makita kong kumakaway ito mula roon. Mukhang tawang-tawa pa siya sa kaniyang nakita.
Ikinuyom ko ang aking kamao at dire-diretsong naglakad patungo sa kaniya. Tumayo naman siya at inayos ang suot na damit.
Wala akong ibang nais na gawin sa mga oras na iyon kundi suntukin siya sa braso. At sa labis na pagmamadali ko, huli na nang mapansin kong naalis na sa pagkakatali ang sintas ng aking suot na sapatos.
Malapit na ako sa kaniya nang maapakan ko iyon. At dahil mabilis ang reflexes niya, mabilis siyang lumapit sa akin para masalo ako at hindi tuluyang bumagsak sa sahig.
Maayos niya naman akong nahawakan sa aking magkabilang braso. Inalalayan niya na rin ako sa pagtayo.
Nang tumingala ako, nakita kong titig na titig siya sa mga mata ko.
“Aya…” mahina niyang tawag sa pangalan ko.
Bigla namang tumibok nang mabilis ang aking puso. Bahagya akong umatras pero nagulat ako nang hindi niya binitawan ang aking balikat bagkus ay hinila niya ako palapit sa kaniya.
Napapikit nalang ako nang mariin nang maramdaman ang kaniyang mainit na hininga sa mukha ko.
Nang walang lumalapat na labi sa aking noo, iminulat ko ang aking mga mata. Rick was grinning from ear to ear. Marahan niyang tinapik ang pisngi ko.
“Anong akala mong gagawin ko?”
Doon naman ako biglang natauhan.
“Ha? Wala naman?”
Tumaas ang isa sa mga kilay niya.
“Talaga lang ha?”
Sumimangot ako at umatras palayo sa kaniya. Pero hindi niya ako pinayagan, hinawakan niya ang aking braso at hinila palapit sa kaniya at nagulat nalang ako nang lumapat ang kaniyang labi sa pisngi ko.
Nang lumayo siya ay matamis na ngiti ang binigay niya sa akin.
“It’s nice to finally meet you, Aya…”