FIRST MOVES
Miyerkules. Pagkabigay ng kanyang order at pangalan sa barista ng Starbucks ay napalingon siya sa may pintuan. Tulad ng mga nakaraang araw, naroon at papasok na naman ang guwapo at matipunong lalaki na nagtungo sa dulo ng pila. Ilang beses na niya itong napansin sa tuwing nagpupunta siya dito. Nung una ay deadma lang siya, nguni’t minsan ng magtama ang kanilang mga mata ay ngumiti itong bahagya, na sinuklian din niya ng isang matipid na ngiti. Mula noon ay tila naging batian na nila ang pagngiti sa isa’t-isa kapag nagkikita sila duon, bagaman wala pa ni isang salita ang namagitan sa kanilang dalawa.
Pagtawag sa kanya ng barista ay agad niyang kinuha ang kanyang in-order at nagtungo sa dulong bahagi kung saan siya madalas tumambay. Solo niya ang puwesto dahil alanganing oras iyon, kaya’t may pagkakataon siyang makapag-review ng kanyang mga notes sa mga lectures niya kanina sa kinukuha niyang kurso na Nursing. First year pa lang siya pero todo buhos ang kanyang atensyon sa kanyang pag-aaral. Bahay-iskwela-bahay halos ang kanyang buhay araw-araw, madalang lumabas maliban kung kasama ang kaibigan na si Kay, at no boyfriend since birth.
Kung may manligaw man ay hindi pumapasa sa kanya, dahil ayaw niya sa mga lalaking kasing-edad lang niya na wala pang siguradong balak sa buhay. Mas type niya ang may pagka-responsable na at may direksyon na para sa hinaharap.
“…..for sir Lex!” dinig niyang sigaw ng barista. napatingin siya mula sa kanyang pagbabasa, dahil alam niyang iyon ang pangalan ng misteryosong lalaki. Hindi nga siya nagkamali, nakita niyang lumapit ito sa barista at kinuha ang inabot na kape at sandwich. Napangiti siya. ‘Hmmmm,’ naisip niya. ‘Bago yon a, may sandwich pa siya ngayon.’
Muli siyang bumalik sa binabasa niya. Nagulat na lang siya ng may mapansing nakatayo sa tapat ng mesang kinaroroonan niya. Biglang bumilis ang pintig ng puso niya ng makita ang lalaki na nakatayo don.
“Excuse me miss,” umpisa nito. “Pwede bang maki-share ng table? Wala kasing bakante.”
Napalingon siya sa paligid. ‘Shit, ang lamig ng boses,’ naisip niya. Nang makita niyang wala ngang bakanteng mesa at tumango na lang siya.
“Thank you miss,” sabi ng lalaki, sabay ngiti.
Namula siya. Ngayon lang siya nagkaroon ng kasama sa table dito. Dati kapag may lumalapit at gustong maki-join o magpakilala ay hindi niya ito pinapayagan at minsan ay sinusungitan pa. Nagtataka siya kung bakit tila hindi niya matanggihan itong lalaking ito.
Tahimik nilang pinagsaluhan ang mesa. Mula sa dala nitong backpack ay naglabas ng laptop ang lalaki at naging abala dito. Pilit niyang mag-focus sa binabasa nguni’t hindi niya maiwasang ang mga panakaw na pagsulyap sa kaharap. Ng mapansin niyang nakatutok ang atensyon nito sa laptop ay pinagmasdan niya ang mukha nito. ‘Grabe, mas guwapo pala sa malapitan!’ naisip niya. Matanda ito sa kanya, at mukhang professional na. Casual manamit pero may dating. Na-conscious tuloy siya dahil malamang tingin nito sa kanya ay parang bata.
Hindi niya napansin na tumigil na pala ang lalaki sa ginagawa nito at nakatingin na rin sa kanya, nakangiti.
“Ako pala si Lex. Miss……?”
“Ha? E…… S…Sarah po……” nauutal na sagot niya, hiyang-hiya dahil nahuli siyang nakatitig dito.
“Hi Sarah. Med student ka ba?” tanong ni Lex.
“Ay hindi po! First year sa Nursing po.”
“Naku, pwede bang Lex na lang. Hindi pa naman ako ganon katanda, ha ha!”
Napangiti din siya. Sinara ni Lex ang laptop at sinimulang makipagkwentuhan sa kanya. Hindi niya maintindihan ang sarili dahil imbes na mainis sa pagkaka-istorbo nito sa kanyang pag-aaral ay nag-eenjoy siya sa kwentuhan nila. Yung mga tanong na nasa isip niya noon mula ng una niyang makita ito ay isa-isang nasagot sa kanilang huntahan. Nalaman niyang negosyante si Lex, family business sa Norte, at ito ang naatasan ng mga magulang na mag-supervise sa mga negosyo nila dito sa south. Nalaman din niyang nasa 30s ito, walang asawa, at mahilig mag-gym at magpunta sa mga beach. Nalaman naman ni Lex na 20 pa lang siya, nakikitira sa bahay ng kanyang tito at mga lolo at lola, hilig talagang maging nurse, ang schedule niya sa iskuwela at ang pagtambay niya dito tuwing MWF dahil may bakante siyang dalawang oras sa pagitan ng mga klase niya, at hindi pa nagkaka-boyfriend.
“Ha? Talaga? Hindi naman yata ako maniniwala!” sabi ni Lex.
“Totoo! Wala pa sa isip ko mga bagay na yan. Saka….”
“Saka ano?”
“Wala….”
“Sige na, saka ano? Anong dahilan?”
“E kasi naman, Ayoko nung mga kasing edad ko, kasi wala pang direksyon ang buhay, yung walang plano. Mas gusto ko yung alam ng magdala ng mga responsibilities. Alam mo na.”
“A ok, gets ko. gusto mo yung medyo mature na ang pag-iisip.”
“Parang ganon na nga.”
“Well Sarah, gusto ko pa sana ituloy yung kwentuhan natin, but I have to see a client and I don’t want to be late,” sabi ni Lex habang binabalik ang laptop sa kanyang backpack.
Napatingin si Sarah sa kanyang relo.
“Ay shit!” nasabi niya, habang dali-daling inaayos ang mga gamit. “Mauna na ako, male-late na ako!”
Dali-dali siyang tumayo at nagtungo sa pintuan palabas. Sa pagmamadali niya ay hindi niya namalayan na may naiwan pala siyang notes sa katabing upuan. Nakangiti pa rin si Lex habang kinuha iyon at sinilid iyon sa backpack.
‘Not bad,’ naisip niya. ‘Yari ka sa akin Sarah.’
Papito-pito pa siya habang papalabas ng Starbucks.