CHAPTER 4
Makalipas ang tatlong araw, bumalik siya sa kompanyang iyon. Isang bagong Anton ang bumalik. “Tonette” na ang pangalan niya. Pinausli niyang konti ang kanyang puwet. Ginaya ang mga kamay na ipinipinta ni Leonardo Davinci. Naglagay ng konting eyeshadow at konting eyeliner. Bitbit ang credentials niya bilang isang lisensiyadong engineer.
Dahil kailangang-kailangan na daw ang tao sa front desk, taong maaasahan at responsable, ginawa siyang probationary employee sa loob ng tatlong buwan. Unang buwan pa lamang, ginawa na siyang regular na empleyado dahil nakita ang husay niya makipag-usap sa tao.
Pinag-isipan niya ng husto ang desisyon na magkunyaring bakla. Bubunuin niya ng dalawang taon lang naman kaya, ayun, kung si Spiderman daw ay “with great power, comes great responsibility” sa kanya daw “with great need, comes great effort”. Saksi ang natulalang langit nang isilang si Tonette mula sa tadyang ni Antonio G.
Sa bahay ng Tita niya, sa loob ng kwarto, patagong nagpapraktis siya. naglalagay siya ng mga libro sa ulo para maperfect ang paglalakad na talagang kilos bakla. Sadyang Itinago niya ito sa Tita niya at sa mga pinsan upang maiwasan ang komplikasyon sa buhay niya. Halos umusok sa init na parang plantsa ang cellphone niya sa kakapanood paulit-ulit ng mga video sa youtube kung paano umarteng bakla. Dalawang araw yon na do-it-yourself crash course na ginawa niya. Pang guiness book of world records kase wala pang nakagawa no’n.
Saksi ang langit sa milagro. Lalabas siya ng bahay na guy na guy, bago sumapit sa office, dadaan sa paboritong fastfood, papasok sa restroom. Boom! paglabas niya si Super-Tonette na siya! At least wala siyang batong nilulunok saka sisigaw ng darna. Nag-aayos lang siya sa restroom, konting pulbos sa pes, eyeshadow, eyeliner, at drawing ng tumitikwas na kilay para bakla-look daw talaga. Paglabas niya ng fastfood restroom, gay na gay na siya.
Wala siyang worry na may makakakilala sa kanya. Ilang daang kilometro ang layo ng Zamboanga para mapunta ito sa front desk na assignment niya. Ga-kulangot ang probability na mangyari iyon. ‘Yon ang paniniwala ni Anton.
Isang bagay lang ang itinira niya sa dating Anton. Hindi niya inahit ang manipis na bigote niya. Ang dating niya raw ayun sa panulat niya ay baklang disente. Alam nyo yun, yung tipong hindi bastusin. Hindi lubos na malandi.
Ayun nga! Nakakuha na siya ng trabaho. Kailangan lang niya umarteng bakla sa loob ng dalawang taon tapos iiwan na niya ang trabaho para mag-abroad.
CHAPTER 5
Everything is running as planned until one day, napansin niya ang isang babae na parang napapadalas ang pagdaan sa floor nila kahit may elevator naman.
“Hmm, parang alam ko na ang misteryong ito.” Sabi ni Anton sa sarili.
…