Strawberry Skies [ Chapters 4, 5, 6 ]

Strawberry Skies

CHAPTER 4

Makalipas ang tatlong araw, bumalik siya sa kompanyang iyon. Isang bagong Anton ang bumalik. “Tonette” na ang pangalan niya. Pinausli niyang konti ang kanyang puwet. Ginaya ang mga kamay na ipinipinta ni Leonardo Davinci. Naglagay ng konting eyeshadow at konting eyeliner. Bitbit ang credentials niya bilang isang lisensiyadong engineer.

Dahil kailangang-kailangan na daw ang tao sa front desk, taong maaasahan at responsable, ginawa siyang probationary employee sa loob ng tatlong buwan. Unang buwan pa lamang, ginawa na siyang regular na empleyado dahil nakita ang husay niya makipag-usap sa tao.

Pinag-isipan niya ng husto ang desisyon na magkunyaring bakla. Bubunuin niya ng dalawang taon lang naman kaya, ayun, kung si Spiderman daw ay “with great power, comes great responsibility” sa kanya daw “with great need, comes great effort”. Saksi ang natulalang langit nang isilang si Tonette mula sa tadyang ni Antonio G.

Sa bahay ng Tita niya, sa loob ng kwarto, patagong nagpapraktis siya. naglalagay siya ng mga libro sa ulo para maperfect ang paglalakad na talagang kilos bakla. Sadyang Itinago niya ito sa Tita niya at sa mga pinsan upang maiwasan ang komplikasyon sa buhay niya. Halos umusok sa init na parang plantsa ang cellphone niya sa kakapanood paulit-ulit ng mga video sa youtube kung paano umarteng bakla. Dalawang araw yon na do-it-yourself crash course na ginawa niya. Pang guiness book of world records kase wala pang nakagawa no’n.

Saksi ang langit sa milagro. Lalabas siya ng bahay na guy na guy, bago sumapit sa office, dadaan sa paboritong fastfood, papasok sa restroom. Boom! paglabas niya si Super-Tonette na siya! At least wala siyang batong nilulunok saka sisigaw ng darna. Nag-aayos lang siya sa restroom, konting pulbos sa pes, eyeshadow, eyeliner, at drawing ng tumitikwas na kilay para bakla-look daw talaga. Paglabas niya ng fastfood restroom, gay na gay na siya.

Wala siyang worry na may makakakilala sa kanya. Ilang daang kilometro ang layo ng Zamboanga para mapunta ito sa front desk na assignment niya. Ga-kulangot ang probability na mangyari iyon. ‘Yon ang paniniwala ni Anton.

Isang bagay lang ang itinira niya sa dating Anton. Hindi niya inahit ang manipis na bigote niya. Ang dating niya raw ayun sa panulat niya ay baklang disente. Alam nyo yun, yung tipong hindi bastusin. Hindi lubos na malandi.

Ayun nga! Nakakuha na siya ng trabaho. Kailangan lang niya umarteng bakla sa loob ng dalawang taon tapos iiwan na niya ang trabaho para mag-abroad.

CHAPTER 5

Everything is running as planned until one day, napansin niya ang isang babae na parang napapadalas ang pagdaan sa floor nila kahit may elevator naman.

“Hmm, parang alam ko na ang misteryong ito.” Sabi ni Anton sa sarili.

Nagsuot si Tonette ng dark glasses. Kung totoo ang kutob niya, makikita niya ang gustong makita na hindi mapapansin kung saan nakatitig ang mata niya.

Nang dumaan uli ang babae, tiningnan niya kung saan dumadako ang mga itim ng mata nito. At yun! Totoo nga! Siya at wala nang iba ang hinahagilap ng mata nito. Nag-eeffort tumigil sa floor nila ang babae at dumadaan sa hagdan imbes na sa elevator paakyat sa floor nila para lang sulyapan siya. Baka totoo nga na mas pogi siya kay Alden Richards. Mukhang may ibubuga nga itong si Anton a.k.a. Tonette.

Isang araw, tila hindi na nakatiis ang babae.

“Hi! my name is Glaize. Nagwo-work ako dyan sa upper floor, may vacancy ba sa inyo sa accounting department? Kailangan nyo ba ng accountant? Gusto ko kasing lumipat, kung meron lang naman.” Tanong sa kanya ng girl nang lumapit sa frontdesk.

Napalunok siya. Ang ganda ng girl. Mestiza. Lively eyes. Ang puti ng ngipin. Tipong matalino. At, isa ring accountant kapareho ng babaeng gusto niyang kalimutan. Napaisip si Tonette. Magpapakalalaki ba siya o hindi? Ah, hindi. Walang sisira sa plano niya. Hindi siya magpapadala sa ganitong mga sitwasyon.

CHAPTER 6

“Ha!? Naku day, filled-up lahat ng position sa accounting namin. Try ka na lang sa iba. Pasensya na ha. Sa lower floor yata may naghahanap ng accountant. Yung farthest door sa right. Try mo.” Sagot niya sa girl. Yung sagot niya, sagot na ang ibig sabihin “pwede ba hanggang diyan na lang ang usapan natin at huwag ka nang magkulit.”

“Gay ka ba talaga?” Patuloy ng girl.

“Undercover investigator ka ba? Kailangan mo ba ng certification na bakla ako?” Tinarayan pa ni Anton.

“Hi-hi-hi! Hindi. Ang totoo gusto ko lang makipag-friends kase, unang kita ko sa ‘yo akala ko men ka. Nagka-crush ako agad sa ‘yo. Ngayon, salamat nabalik sa dating pwesto ang puso ko. Normal na ulet. Konti na lang ang aayusin.” Kambyo ng girl.

“Ha-ha-ha! Nakuuu! kahit maghubad ka dyan day, makakasakay ka ng elevator na virgin kahit ilang beses ka magtumbling ng nakahubad dito sa ibabaw ng desk ko.” Sagot ni Anton.

“Hi-hi! kalog ka pala. Akala ko talaga macho ka. Anong name mo, yung tunay kase alam ko nang Tonette ang tawag sa ‘yo. Kaya nga naintriga ako.” May kilig at tuwa ang pagpapatuloy ng girl.

“My name in another dimension is Antonio. Here in this real world I am happy to be called Tonette. Engineer Tonette. But, you can call me Anton kung boy ang tingin mo sa akin. I will act accordingly pero mga 3 minutes max lang yan no extension.” Sagot ni Anton, habang nakasabit sa ulap ang kilay.

“Hi-hi-hi! Naku! Kaya pala hagikhikan ang mga lady friends mo sa office. Akala ko nililigawan mo. Ang kalog mo pala.”

[ itutuloy natin ‘to… ]

[ author: graccubus 9.4.22 ]