Nagsikap si Elena na kumbinsihin ang binata sa makatao at maka-Diyos na paraan ng pamumuhay. Sinabi niyang naririto siya sa London upang ipalaganap sa mga kababayan ang pagtutulungan, pagdadamayan at pagmamahalan. Na kung isasa-puso ito ay magkakaroon ng makatuturang pananaw ang mga tao sa kahalagahan ng pag-asa at pananalig. Na ang mga tao’y nilikha ng Diyos hindi para sa sarili lamang, manapa’y para sa isa’t isa. Na tayo’y may pananagutang umibig sa Diyos na lumalang sa atin at sa ating kapuwa.
Sa mahusay na paglalahad ng madre ng mga kaisipang iyon, nakatungong tumahimik si Fidel. Ang mga katagang binibitiwan ni Elena’y naglagos mandin sa pinakaliblib na lugar ng puso ng binata.
“Kuya Fidel, para sa akin…at para sa Diyos, maaari bang mag-ukol ka ng panahon sa ating mga kababayan, at maging bahagi ka ng lipunang-Filipino sa bansang ito?”
May luhang gumilid sa mga mata ng binata. “Oo, Elena…Oo…gagawin ko!”
Nagmamaneho nang pauwi si Fidel pagkagaling sa tirahan ng mga madre. Isang van ng walang ingat na tsuper ang malakas na bumangga sa kanyang kotse. Isinugod ang binata sa malapit na ospital. Bagama’t hindi gaanong malubha ang pinsala, kinailangang tumigil siya sa pagamutan ng ilang araw.
“May dalaw po kayo,” sabi ng nurse. “Mukhang marami po sila.”
“Patuluyin mo,” tugon ni Fidel.
Nangunguna si Elena, kasunod ang ilang kababayan.
“Kuya, mabuti’t hindi gaanong malubha ang pinsalang natamo mo sa aksidente. Lagi kitang ipinagdarasal.”
“Maraming salamat.”
“Siyanga pala, Kuya Fidel,” tumingin sa mga kasama, “sila ang mga pinuno ng ilang organisasyon ng mga kababayan natin dito sa London.”
Kumamay na isa-isa sa binata ang mga bisita at iniabot ang ilang mumunting regalong dala nila. Hangad daw nila ang madaling paggaling ni Fidel.
Tumimo at nakabagbag sa puso ng binata ang pagdalaw ng mga kababayan. Taimtim siyang nagpasalamat nang magpaalam ang mga ito.
Makailang araw gumaling na si Fidel at lumabas na sa pagamutan.
MULA noon, naglaan ng panahon si Fidel para sa mga kababayan. Tuwing mga araw ng Sabado at Linggo, malimit na kasama siya ni Elenang nakikisalamuha sa kapuwa Filipino. Ginawa siyang tagapayo ng ilang samahan, at ito’y di niya tinanggihan. Kung hindi gaanong abala sa opisina, hindi man weekend, dumadalo siya sa pagpupulong ng mga organisasyon.
Nguni’t ang malimit na pagsama-sama ni Fidel kay Elena ay nagdulot sa puso ng masidhing pag-ibig sa kaibigan. Maraming mga gabing hindi siya makatulog. Umuukilkil sa kanya ang sinisikil na damdamin. Subali’t papaano niya mabibiglang-laya at maipagtatapat ang pag-ibig na iyon. Madre ang kaibigan niyang minamahal. Ang panliligaw niya rito’y talos niyang isang kalapastanganan. Sumisigaw ng pakundangan ang kanyang budhi! A, hindi siya makapagtatapat…hindi siya makapanliligaw…malaki ang paggalang niya sa kaibigan!
Di man nagsasabi’y batid ni Elenang hindi lamang siya hinahangaan ni Fidel. Nararamdaman niyang may banyagang damdaming iniuukol sa kanya ang binata. Maililihim ang maraming bagay, datapwa’t ang pag-ibig ay di maikukubli. Kung hindi man ang salita, ay nagkakanulo ang mga sulyap at mga kilos ng isang nagmamahal. Gusto na sana niyang iwasan ang binata, pagka’t sa damdamin niya’y may moog na rin ng maka-taong pag-ibig na unti-unting nalikha. Bagama’t isang madre, tao rin siyang may pusong nasasaling…marunong humanga at umibig. Nguni’t ang pag-iwas sa kaibiga’y alam niyang makaaapekto sa ginagawa niyang paglilingkod sa mga kababayan, gayon din sa nasimulan nang makabayang gawain ni Fidel. Nagpasiya siyang huwag nang iwasan ang binata. Sisikilin na lamang niya ang damdamin at pagbabawalan ang pusong umiibig.
LUMIPAS ang mga taon. Tapos na ang misyon ni Elena sa London. May natanggap siyang kalatas ng kautusan mula sa Madre Superyora. Idinidestino raw siya sa Roma, kung saan naroroon ang Mahal na Papa. Doon niya ipagpapatuloy ang paglilingkod sa Diyos.
Maraming Pilipinong naghatid kay Elena sa London Heathrow Airport. Maraming lumuluha…maraming nasasaktan…kabilang doon si Fidel.
Mahigpit na yumakap si Elena sa kaibigang binata, umiiyak, “Lagi kitang ipagdarasal, huwag kang makalilimot sa Diyos!”
“Oo,” basag ang tinig ng binata. “Asahan mong ipagdarasal din kita.”
Nakangiti, nguni’t lumuluha, habang papalayong kumakaway kay Fidel si Sister Maria Elena, ang madreng nagmulat sa kanya sa katotohanan ng buhay at natutuhan niyang ibigin nang lihim! –