Tag-ulan: Ambon, Ulan (Part 1)

Eksaktong isang taon na ang nakakaraan ngunit sariwa pa rin sa kanyang isipan ang isa sa pinakamasayang pangyayari sa buhay. Malinaw sa kanyang isipan ang lahat ng detalye.

Bago matapos ang tag-init noong nakaraang taon, nag-outing sila kasama ang nobya at mga kaibigan sa isang kilalang resort sa Batangas. Planado niya ang lahat ng gagawin kasabwat ang bawat isa sa kanyang mga kaibigan.

Masaya ang outing. Sagana sa pagkain at inumin. Sagana sa kwento, laro, at kasiyahan. Pansamantalang nakalimutan ang pagod sa trabaho sa opisina. At higit sa lahat, masaya ang lahat sa naisakatuparang binabalak.

Walang mapagsidlan ang kanilang kaligayahan. Hindi magawang pigilan ng kanilang mga mata at labi ang pagngiti habang sila ay magkayakap sa tabing dagat at napapalibutan ng kanilang mga kaibigan. Hiyaw, kantsaw at palakpakan ang maririnig ngunit balewala ito sa magkasintahang mahigpit na nakayakap sa bawat isa. Sa pisngi ng kanyang nobya ay naroon pa ang bakas ng luha ng kaligayahan. Ganoon din naman sa kanya. Para bang pareho silang ayaw bitawan ang isa’t isa.

Matindi ang sikat ng araw sa hapong iyon ngunit umaambon, isang pambihirang pangyayari. Isang pagkakataong hindi kailangang palampasin. Hindi niya akalain na magkakaroon na siya ng lakas ng loob upang lumuhod sa harap ng nobya at ialok ang singsing at ang planong pagsasama hanggang sa huli. Hindi rin akalain ng babae na sa pagkakataong iyon ay mangyayari ang isa sa kanyang mga pangarap, ang mangyari sa kanya ang isang romantikong wedding proposal.

ULAN
Kumukulog, kumikidlat at bumubuhos ang malakas na ulan. Gaya ng pagbuhos ng aking luha. At gaya ng pagbuhos ng alak sa aming mga lalamunan.

“Punyetang buhay ‘to! Bwisit!”

Sa mga sandaling ito, hindi ko na alam ang gagawin sa buhay ko. Nahihirapan akong mamili. Magpakalango sa alak hanggang mawalan ng malay? Magbigti? Tumalon sa gusali? Manggulpi? O pumatay? Hindi ko alam. Pero sa ngayon, napili ko ang magpakalango sa alak. May tama na ako pero hindi pa ako nawawalan ng malay. Kung sakaling magbabago ang napili ko mamaya ay bahala na.

“Pare, ayoko na,” sabi Nimuel sa akin kasabay ng pagtulak sa bote ng alak na iniabot ko sa kanya. “Lasing na ako.”

“Oo nga, pare. Lasing na din ako,” sabat ni Kul. “Lasing ka na din. Uwi na tayo,” dagdag pa nito. Bagama’t alam kong ‘di naman talaga sila lasing. Kinokontrol lang nila ang sarili nila sa pag-inom ng alak.

“Kaya nga tayo nandito para magpakalasing e,” sagot ko. “Mga punyeta!”

“Pare, nagpunta tayo dito para sandali kang mag-aliw at makalimot.” ani Nimuel.

“P’wes, hindi pa ako naaaliw at mas lalong hindi pa ako nakakalimot!”

“Malamang! Kahapon lang nangyari ‘yan, hindi mo pa talaga makakalimutan ‘yan,” sabi ni Nimuel. “Nandito kami para damayan ka. Alam naman naming masakit e.”

Nang mabanggit ni Nimuel ang salitang “masakit”, parang hinampas ang puso ko ng kung anong bagay. Masakit nga. Napayuko na lang ako at nagsimulang humagulhol. Masakit talaga e. Nag-flash back sa aking ala-ala ang masasayang araw namin ni Raine. Lalo na ang araw na sumagot siya ng “oo” sa alok kong kasal. Masakit na malabo nang mangyari iyon.

“Ilabas mo lang ‘yan, pare,” anas ni Nimuel. “Hindi masamang umiyak.”

“Tama, pare,” sabi ni Kul. “Kung gusto mo nga sumigaw, sumigaw ka. Mag-earphone ka lang para ikaw lang makarinig.”

“Buset ka talaga, Kul. Broken-hearted na nga tropa natin ginaganyan mo pa,” sabi ni Nimuel.

“Saka baka magbigti pala ‘yan gamit ang earphone. Wag na lang pala. Sorry, pare, kalimutan mo na sinabi ko.”

“O, s’an ka pupunta?” Tanong ni Nimuel kay Kul na tumayo pala.

“Bibili sana ako ng tissue o kaya kukuha sa CR. Baka mas marami pa luha nito sa alak na nainom ko e.”

“Hahaha! Buset ka!” Hindi na napigilan ni Nimuel ang pagtawa. Ngunit kahit ganyan sila, totoong kaibigan naman sila. Nasanay na ako at hindi na napipikon sa kanila. Pero parang hindi ko pa rin talaga kayang ngumiti kahit na nagbibiro sila.

“Maupo ka na nga, Kul. Di na natutuwa sa’yo si Orin.”

“Oo nga. Ayaw tumawa. Baka mahampas na ‘ko ng bote.” Sagot ni Kul at naupo na. Biglang sumeryoso ang mukha. “Pero, Orin, ano na balak mo?”

“Wow! Biglang serious, pare?” Mapang-asar na sagot ni Nimuel na titig na titig sa mukha ni Kul na para bang naghahanap ng kung anumang wala.

“Ikaw ang hahampasin ko ng bote e,” sabi ni Kul. “Serious mode nga, di ba? O ano, pare? Ano nang balak?”

“Wala,” maikling tugon ko. “Di ko alam.” Hindi ko naman kasi talaga alam ang gagawin. Masakit na makita ang aking fianc na nakikipaghalikan sa ibang lalaki. “Bakit? Kung ikaw ba? May magagawa ka pa? Pare, ikakasal na kami next month! Plantsado na lahat!”

“S’yempre walang kasal na magaganap,” sagot ni Kul. “At hindi ko na lang s’ya kakausapin.”

“Gusto ko na tapusin ang lahat.”

“Naguguluhan pa rin ako, pare,” sabi ni Nimuel. “Wag mo na kausapin, personally. Baka pag nakita mo si Raine e masaktan mo lang s’ya. Physically. O kaya mapatawad mo at magpakamartir ka pa. Tawagan mo na lang kaya?”

“Gusto ko lang linawin sa kanya nang harapan.”

“Puta,” napamura si Kul. “Orin! Hindi ba malinaw mata mo n’on? Baka naman lasing ka lang n’un at bigla mo na lang sinapak ‘yong Boss niya?”

“Oo, nakainom na ako n’on pero hindi ako lasing. Parang napapikit lang ako tapos pa…