Pasenya na po kayo. Lumang kwento na ito na sinulat ko at pinaikling version po ito. Di ko na mahanap yung mahabang version nito. Pero sana magustuhan nyo pa rin.
Nahumaling kasi ako noon sa Filipino Mythology kaya naisipan ko lang ito.
——————-
Gulat na gulat ako nang ako ay magising. Nagpumiglas ako na parang dumedepensa sa isang taong nais akong patayin. Napaupo ako, at sa aking pagdilat ay na-realized ko na narito lang pala ako sa aking kwarto. Nakahinga ako nang maluwag. Pawisan ako ngunit nanlalamig ang aking pakiramdam.
Napadami yata ang inom namin kagabi.
Bumangon ako upang hanapin ang aking cellphone. At doon ko lang napagtanto na wala akong saplot.
F*ck! Sino ‘yong babaeng ‘yon? Totoo ba ‘yon? Hindi pwede! Lasing lang ako.
Agad akong nagbihis at lumabas ng kwarto. Dumiretso ako sa sala at tinignan ang pintuan. Nakakandado ito. Ganoon din ang ginawa ko sa pintuan sa likod at sa mga bintana, nakakandado ang lahat.
Panaginip nga lang. Pero paano ako nakapasok?
Pinapaniwala ko ang sarili kong panaginip lang iyon pero may kaunting kaba sa aking dibdib. Pero bakit ganoon? Kumakabog ang dibdib ko ngunit iba ang naging reaksyon ng aking pagkalalaki nang bumalik sa isip ko ang pangyayari kagabi.
Binalikan ko na lang ang aking cellphone sa kwarto. Namumula na ang battery icon, kaunti na lang ay mamamatay na. Puro missed calls, at halos benteng messages. Tinignan ko kung sino’ng tumawag at nag-message, umaasang makita ko ang pangalang “Fianc Raine”. Pero mukhang wala, puro kay Nimuel at Kul lang pala na inaalam kung nakauwi ba ako nang maayos.
May isa pa, hindi ako nabigo. May isang mula kay Raine. Mabilis kong binuksan at binasa ang kanyang mensahe, “Usap tayo pag nasa matinong estado na ang pagiisip mo. Text me.”
Shit! Ano’ng pag-uusapan natin? Walang hiya! Matinong estado? Baliw ba ako?! Punyeta! At walang kalambing-lambing sa message. Grabe!
Kumabog nang malakas ang aking dibdib. Naging madiin ang pagkahawak ko sa cellphone. Halos manginig ang aking kalamnan sa nabasa kong iyon. Dahil kasabay niyon at ang pagbalik sa aking isipan nang makita ko silang naghahalikan ng Boss niya.
Hindi ganoong klaseng babae ang pagkakakilala ko sa kanya. Pero bakit? Hindi ko maintindihan! Nanginginig na ako sa galit. Gusto kong sumabog. “Punyeta!!!” Naibato ko ang aking cellphone sa kama.
***
Bubuksan ko sana ang TV ngunit nawalan na pala ng kuryente dahil sa lakas ng hanging dala ng paparating bagyo. Ang huling balita ko kagabi ay Signal #1 dito sa aming lugar kahit malayo pa ang bagyo. Siguro ay Signal #3 na ngayon. Malaki ang pinagkaiba ng lakas ng hangin at ulan kagabi sa nararamdaman ngayon.
May pasok ako sa trabaho pero wala ako sa mood pumasok. Dala na rin ng bwisit na nawalang inspirasyon at masamang panahon. Idagdag pa ang sakit ng ulong dulot ng alak.
Swerte at malas nga lang. Maswerte na rin at di ko nai-charge ang phone ko. Iwas sa tawag mula sa mga tao sa opisina na hindi makapagtrabaho kung wala ako. Iwas na rin na makabasa ng hindi kaaya-ayang mensahe. Ang malas naman kasi wala akong mapapaglibangan. Di makapaglaro ng NBA 2K sa PC, ‘di makapaglaro ng NBA 2K sa mobile, hindi makakapanood ng TV. Ang meron lang ay kaunting pagkain sa ref na hindi ko alam kung malamig pa. Sayang lang dahil walang alak. Pero kung sakaling may alak man, wala namang yelo.
Pumunta ako sa kusina upang kumain. Diretso kong tinungo ang ref. Talagang kaunti na nga lang ang pagkain. Pero sakto na para maka-survive hanggang bukas kung sakaling maghapong ‘di titila ang ulan.
Sandali lang akong kumain. Walang gana. Iniwan ko lang sa lamesa ang aking pinagkainan. Tinatamad akong magligpit at maglinis. Mamaya na lang.
Kinuha ko ang kaha ng yosi na nasa ibabaw ng TV at naupo ako sa tabi ng bintana. Sinindihan ko ang yosi at hinithit na parang sabik ako sa usok. Buga. Hithit. Buga. Sa kada pagbuga ay pinapanood ko ang paglabas ng usok mula sa aking bibig. Pakiramdam ko ay naiilabas ko ang sama ng loob kapag ganito. Lumilipad ang hinanakit at tinatangay ng hangin, ginugulpi ng ulan, hanggang sa tuluyang maglaho.
Hindi ko pa nauubos ang sigarilyo nang may tumigil sa tricycle sa harap ng bahay. Bumaba ang isang babae, parang si Raine. Malakas pa rin ang ulan at hindi ko masyadong naaninag ang kanyang mukha. Pero sa tagal na naming magkarelasyon ay kilala ko ang kanyang tindig at pigura.
Para akong natulala nang ilang sandali. Hindi ko na napansin na umalis ang tricycle. Hindi ko alam kung bingi ba ako dahil hindi ko narinig ang pagharurot o sadyang mas matimbang ang lakas ng ingay na dulot ng ulan. Nagulat na lang ako nang bumukas ang pinto at makita si Raine.
“Tumuloy na ako, kasi hindi mo yata naririnig ang tawag ko sa lakas ng ulan.”
Itinaas niya ang kamay upang ipakita sa akin ang duplicate ng susi ng pintuan. Inilapag niya rin ito sa ibabaw ng lamesita.
Pero wala akong pakialam sa susi. Nakatitig lang ako sa kanya. At sa pagkatitig ko sa kanyang mukha, hindi ko nakita ang Raine na mahal na mahal ko. Ang nakita ko ay si Raine na isang taksil.
“Orin…”
“Ano’ng ginagawa mo dito?”
“Magpapaliwanag lang sana ako.”
“Ano’ng ipapaliwanag mo? Na mali ang nakita ko? Na namalik-mata ako?”
“Orin, alam mong mahal kita, ‘di ba?”
“Putang ina!”
Akmang lalapit siya sa akin, “Hindi! ‘Wag kang lalapit!”
“Humihingi lang ako ng tawad kahit na alam kong hindi mo ako mapapatawad.”
“Umalis ka na, please,” sa puntong iyon, nanginginig na ang boses ko sa pagpigil sa aking luha. Malakas ako. Hindi ako iiyak sa harap ng babaeng ‘to. Pero punyeta talaga!
“Baka pwedeng mag-usap lang tayo sandali,” umiyak na si Raine. Napaupo siya sa katabing upuan. Napayuko at tinakpan ng dalawang kamay ang mukha.
Bakit ba ngayong oras na itong kaharap ko siya ay parang nawawala ang galit sa akin? Ngayon ay parang sinasaktan ko ang sarili ko dahil pinipigilan kong lumapit sa kanya upang yakapin siya at patahanin. Mahal na mahal ko siya at ramdam ko iyon ngayon.
“Nagkulang ba ako sa’yo?”
Umiling lang siya.
“So, bakit? Pinilit ka?”
Umiling siyang muli.
“E, ano? Naglalaro ka?”
Hindi pa rin siya sumagot at pag-iling lang muli ang aking natanggap.
“Bakit?!!!” Napasigaw na ako. Sigaw na wari ko ay mas malakas pa sa tagaktak ng malakas na ulan sa bubong at hampas ng hangin mula sa labas.
Muli, hindi siya sumagot. Bagkus ay bigla siyang tumayo, binuksan ang pinto at tumakbo palabas.
“Raine!”
Mabilis siyang nawala sa aking paningin. Tumakbo ako sa pintuan ngunit wala siya. Sumalubong sa akin ang malakas at malamig na hampas ng hangin. Sinubukan kong hanapin siya sa labas pero wala siya. Nag-alala ako dahil sa lakas ng ulan. Saan siya sumilong? Wala naman siyang payong. Napakabilis naman niyang tumakbo at bigla na lang siyang naglaho sa paningin ko.
“Raine! Raine!”
Nakarating ako sa dulo ng kanto pero wala siya. Nagdesisyon akong bumalik na sa bahay. Para na akong tangang pinagtitinginan ng mga tao sa kakasigaw ko ng “Raine”. Akala yata ay nagtatawag ako ng ulan.
Wala akong pakialam sa kanila. E ano naman kung naliligo ako ngayon sa ulan dahil sa paghabol sa isang babae? Masama ba? Siguro. Kasi hindi siya karapat-dapat pang habulin. Pero kahit na. Sa puso ko, narito pa rin ‘yong concern at pagmamahal kahit nasaktan na.
Punyetang buhay naman kasi ‘to! Nagpunta siya para makipag-usap pero puro iling lang. Ayaw ko siyang palapitin sa akin pero hinabol ko siya at hinahanap ngayon. Punyeta talaga!
Nakakabaliw! Kung hinayaan ko siyang magpaliwanag, may mapapala kaya ako? Gagaan ba ang pakiramdam ko? Magkakaayos ba kami? Gusto ko bang magkaayos kami? O lalo ko lang sasaktan ang sarili ko? Sinaktan na niya ako e. Hahayaan ko pa ba na maulit pa?
Andami kong tanong sa sarili ko. Nakakabaliw talaga. Mga tanong na hindi ko alam kung masasagot ba kung nag-usap kami. Masakit! Ni minsan, hindi ko pa siya nasigawan nang ganoon. Baka kaya siya tumakbo na lang.
Nagdesisyon na akong bumalik na lang sa bahay. Nakayuko kong tinatahak ang diretsong daan. Ang mga luha ko ay humalo na sa ulang pumapatak sa kalsada.
Raine, nasaan ka ba?
BAGYO
Tanaw ko na ang bahay nang mapansin kong mabilis na dumaan si Raine sa harapan ng bahay patungo sa puno ng acacia. Hindi na ako nagbaka-sakali, tinakbo ko na pauwi at sinalubong ang ulan.
“Raine! Raine?” Aninag ko ang kanyang buhok na sumasayaw sa hangi…