May mga tao namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti lang iyon kaysa kahapon. Nakapasok ang mga iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may kasunod na pulis. Kakaunti ang magbubukid sa bagong langkay na dumating at titingin kay Tata Selo. Karamihan ay taga-Poblacion. Hanggang noon, bawat isa’y nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang balitang ililibing kinahapunan ang Kabesa. Nagtataka at hindi makapaniwalang nakatingin sila kay Tata Selo na tila isang di pangkaraniwang hayop na itatanghal.
Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang magdadakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata Selo. Pagkakita sa lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas na humagulgol.
Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito’y ipinatawag sa kanyang tanggapan.
Di-nagtagal at si Tata Selo naman ang ipinakaon. Dalawang pulis ang umalalay kay Tata Selo. Halos buhatan siyang dalawang pulis.
Pagdating sa bungad ng tanggapan ay tila saglit na nagkaroon ng lakad si Tata Selo. Nakita niya ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente.
Nagyakap ang mag-ama pagkakita.
“Hindi ka na sana naparito Saling,” wika ni Tata Selo na napaluhod. “May sakit ka, Saling, may sakit ka!”
Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama. Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang damit na suot ay tila yaong suot pa nang nagdaang araw. Matigas ang kanyang namumulang mukha. Pinalipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde hanggang sa mga nakatinging pulis.
“Umuwi ka na, Saling” hiling ni Tata Selo. “Bayaan mo na…bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag, huwag ka nang magsasabi…”
Tuluyan nang nalungayngay si Tata Selo. Ipinabalik siya ng alkalde sa istaked. Pagkabalik niya sa istaked, pinanood na naman siya ng mga tao.
“Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. “Binalutan ng basang sako, hindi ng halata.”
“Ang anak, dumating daw?”
“Naki-mayor.”
Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo pagkaraang siya’y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinanakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas. Mahigpit na humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y tila huhutukin. Tinawag siya ng mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapag. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila gumigising sa kanya.
“Tata Selo…Tata Selo…”
Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng mga luha niyang mata ang tumatawag sa kanya.
Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon.
Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umabot sa kanya.
“Nando’n amang si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo. “Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo.” Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na nag-paulik-ulik, pagkaraa’y takot at bantulot nang sumunod…
Mag-iikaapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lihin sa istaked, sa may dingding na steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon. Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin siya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang Inutusan niya kanina. Sinabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakinggan ni Tata Selo, na ngayo’y hindi pagbawi ng saka ang sinasabi.
Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! Ang lahat ay kinuha na sa kanila…