—–
CHAPTER 1- THE HANDSOME STRANGER
Hello. My name is Serenity Santos. I’m 25 years old at kaka-graduate ko sa lang sa San Pedro University where I took Bachelor of Science in Information Technology.
Simple lang akong babae, maputi at hindi katangkaran. Hindi ako katulad ng iba na mahilig magpaganda. Okay na sa ‘kin ang ordinaryong t-shirt at jeans lalong-lalo na kung lalabas ng bahay. Parte na rin ng buhay ko ang eyeglasses ko na hindi ko mahubad-hubad dahil sa malabo kong mata.
Boyfriend? No boyfriend since birth ako. Ewan ko ba sa mga lalaki. Siguro talagang hindi ako maganda sa paningin nila. Sinubukan ko nang makipag-meet up sa mga nakikilala ko sa Facebook, pero pagkatapos no’n ay bigla na lang nila akong iba-block. Iba raw kasi ang hitsura ko sa personal kaysa sa profile picture ko na alagang filter ng beauty app.
Kaya hayun, hindi na ako umasa pa na magkaka-lovelife ako. Itinuon ko na lang ang pansin sa paghahanap ng magandang trabaho na pasok sa pagiging computer programmer ko.
One day, katatapos ko lang sa final interview no’n sa isang sikat na IT company. Sinabi sa ‘kin ng HR na maghintay muna sa lobby dahil pipiliin daw sa aming limang nag-apply kung sino ang tatanggapin bilang assistant software developer.
Kung hindi nyo nalalaman ay ilang linggo kong pinaghandaan ang interview na ‘yon. Naka-dalawang trial kami ng examination, plus dalawang interview. Gusto ko talagang makuha ang trabaho na ‘yon. Hindi lang dahil sa magandang suweldo, kundi dahil na rin sa mag-i-enjoy ako. Ang job na ‘yon kasi ang isa sa goals ko.
Hanggang sa lumipas na nga ang isang oras at tinawag na ng HR isa-isa ang mga nakapasa. Unfortunately, hindi ako nabanggit. Sa limang ‘yon ay kamalas-malasang dalawa lang ang napili. Mangiyak-ngiyak tuloy akong umalis sa kompanya bitbit ang resume ko na halos lukutin ko na ng aking mga kamay sa sobrang pagkabigo.
Sa inis ko’y basta ko na lamang ibinato iyon, ngunit hindi sinasadyang may natamaan ako.
“Aray!” daing ng isang lalaki.
“Naku! S-sorry!”
Pagkaharap ko sa kanya ay tila lumakas ang hangin sa paligid at nilipad ang buhok ko. Unti-unting bumilis ang tibok ng puso ko. Nag-twinkle pa ang mga mata ko dahil na-love at first sight yata ako sa nakita ko.
He’s tall, dark and handsome. Parang hindi naman kami nagkakalayo ng age. May kapayatan siya, pero halatang batak naman sa gym ang kanyang katawan dahil sa maumbok niyang muscles na bakat sa black t-shirt niya. He’s a hundred times better than those na nakilala ko sa Facebook na adik sa Tiktok.
“Miss?” sambit niya at bigla akong napapitlag sa pagkakatayo. Hindi ko alam na natulala na pala ako sa kanya.
“Ha? Ah, e… p-pasensya ka na. Hindi ko sinasadya na mabato ka ng resume ko.”
“Okay lang, pero sana sa susunod ay sa basurahan mo na lang itapon, ah. Baka kasi may makakita sa ‘yong pulis, mahuli ka pa,” nakangiting sagot niya sabay pulot ng papel at nag-ala basketball player na shinoot iyon sa basurahan.
“Ah, okay,” nakangiti ko ring sagot.
Then, tinalikuran ko na siya. Kahit naman type ko siya ay naisip ko na wala akong pag-asa sa kanya. Sino ba naman ang magkakagusto sa ‘kin? In my dreams! Hanggang tingin lang naman palagi ang nagagawa ko sa mga lalaking katulad niya na kasing guwapo ni Adonis.
Ngunit nang lalakad na akong paalis ay narinig ko na tinawag niya ako. “Ikaw ‘yong nag-apply kanina, ‘di ba? Iyong hindi natanggap?”
Bigla akong nakaramdam ng hiya. Ang lakas pa ng pagkakasabi niya at napatingin ang mga tao na papasok pa lang sa kompanya.
Humarap ako sa kanya. “Ah, e… ako nga. Paano mo nalaman?”
“Hindi rin ako natanggap, e,” sagot niya na medyo nanghaba ang nguso at may bakas ng pagkabigo sa mukha. Ni hindi ko napansin na kasabay ko pala siyang nag-apply, e lima lang kami roon.
Biruin nyo na sa guwapo niyang iyon, tinanggihan pa siya ng HR?” Sa guwapong mo na ‘yan hindi ka tinanggap?” hindi makapaniwalang tanong ko.
Bahagya siyang napatawa. Napakagat-labi naman ako dahil lumabas ang cuteness niya nang makita ko ang mapuputi niyang ngipin. “Hindi naman audition ng Star Magic itong in-aapply-an natin,” natawang sagot niya.
“So, inaamin mo nga na guwapo ka?” natawa kong tanong. Kinikilig na ako sa sandaling ‘yon.
“Uy! Wala akong sinasabing ganyan, ah. Ang ibig ko lang sabihin, hindi naman mukha ang kailangan sa kompanyang ito para makapasa. Siguro nakulangan lang talaga sila sa skills ko kaya heto—“
“Sus! Kunyare ka pa!” biglang sambit ko. “Pero alam mo, tama ka d’yan. Kahit ilang linggo na akong nag-effort sa pagri-review, nakulangan pa rin sila sa ‘kin. Better luck next time na lang siguro.Marami pa namang ibang kompanya d’yan.”
At tumangu-tango naman siya sa sinabi ko.
Nang medyo natahimik na kaming dalawa at wala na kaming maibukambibig sa isa’t-isa ay sinubukan ko nang magpaalam sa kanya. Gustuhin ko man na kunin ang contact number niya ay hindi na ako naglakas-loob dahil ayaw ko naman na magmukha akong obvious na interesado sa kanya.
“Sige, alis na ko,” sabi ko sabay kaway sa kanya.
Hanggang sa tinalikuran na ulit siyang muli at sinimulan ko nang maglakad paalis. I was hoping na tatawagin niya akong muli, pero nakakailang hakbang na ako ay hindi ko na narinig pa ang boses niya. Bakit naman niya ako tatawagin, e hindi naman ako kaakit-akit para hindi palagpasin?
Ngunit nagkamali ako.
Hindi nga niya ako tinawag, pero tumakbo naman siya para sundan ako.
Nang pigilan niya ako sa braso ay saka ako napahinto sa paglalakad at napatingin ako sa kanya. Then, he gently pulled me closer to him. Nailapat ko tuloy ang mga kamay ko sa dibdib niya at nagkatitigan kami na halos magkadikitan na ang mukha.
“May gagawin ka ba?” pabulong niyang tanong.
Napaka-manly ng voice niya. Para s’yang nang-aakit. Napalunok muna tuloy ako bago sumagot sa kanya. “Wala naman, bakit?”
“Gusto mo ba akong samahan sa mall?”
“Bakit?”
“Kakain tayo.”
“Kakainin mo ‘ko?”
Bahagyang natawa siya sa sinabi ko. Napapikit muna ako sa kahihiyan bago ko bawiin ang itinanong ko. “Este, yayain mo akong kumain? Libre mo?”
“Oo naman, my treat. Okay lang ba sa ‘yo? Malungkot kasing kumain nang mag-isa, e.”
Gusto kong isipin na kakain lang kami, pero bakit biglang kamunduhan ang pumasok sa utak ko. Napakarumi talaga ng utak ko.
“Ah, o-okay,” nautal kong sagot.
Then suddenly, napatingin ako sa paligid nang may narinig akong tumatawa. Nakalimutan namin na nasa tabing kalsada nga pala kami at para kaming mag-jowa na hindi nagkita ng isang taon dahil sa aming posisyon.
“Bago tayo kumain, puwede bang bitawan mo muna ako. Pinagtitinginan na kasi tayo ng mga taong dumaraan, e,” pakiusap ko.
At saka niya lang iyon napansin.
Dahan-dahan niya akong binitawan at napakamot siya sa batok dahil sa kahihiyan. “Sorry,” sabi niya.
“Okay lang, anytime.”
“Ha?” nagtakang sambit niya.
“I mean, anytime ay bukas ang mga kainan sa mall. Saan kainan mo ba ako balak na i-treat?” sabay kagat-labi ko. Hindi ko na alam kung anong pinagsasasabi ko sa sandaling iyon. Nabubuang na yata ako sa kaguwapuhan ng lalaking kaharap ko.
“Kahit saan mo gusto. Ikaw na ang bahala.”
Hindi ko alam kung bakit pumayag na lamang ako sa lalaking iyon na kumain. Para tuloy akong kaladkaring babae. Ni hindi ko pa nga alam ang pangalan niya. Alam kong may mga guwapo na ginagamit ang mukha para manlamang ng kapwa, pero hindi naman siguro siya masamang tao. At saka sinabi naman niya na sabay kaming nag-apply kanina, so okay na ‘yon.
Hindi sa umaasa ako, pero baka s’ya na pala ‘yong lalaking para sa ‘kin. Friendly naman s’ya, matatanggihan ko ba naman ‘yon?
Pagkuwa’y isinakay niya na ako sa kanyang kotse at bumiyahe na kami patungong langit, este sa mall pala.
*****