Whirlwind – 05

Author’s note: This is a work of fiction… All specific names, places and events are just products of the author’s imagination…

Sorry in advance.. kase baka madismaya kayo sa part/update na to…

——

“Manang… Si Amanda nga po pala…” pakilala ni Marty sa akin sa aleng katatapos lang niya yakapin.

“Aba’y napakaganda naman nitong babaeng ‘to…” sabi ni Manang Linda saka lumapit sa akin at niyakap ako.

Mainit siya yumakap. Namiss ko bigla ang mama ko dahil sa init ng yakap niya. Kaya napayakap nalang din ako.

“Aba’y anu pang hinihantay mong bata ka?” muling salita ni Manang Linda pagkatapos naming magyakap. Kay Marty siya nakatingin. “Ipasok mo na yung mga pinamili ninyo!”

Di gumalaw sa pwesto si Marty.

“Ano tutunganga ka lang diyan?” medyo pasigaw na bigkas ni Manang Linda. Umamba siyang tila kukurutin si Marty.

“Eto na nga po…” natatawang tugon ni Marty. Saka niya binuksan muli ang kotse niya at kinuha ang ilan sa mga pinamili namin. “Manang wag pong ala detective magtanong ahhh…”

“Anung ala detective ka dyan bata ka?” talagang nilapitan niya si Marty at nakatikim ito ng kurot sa tagiliran.

“Aray ko!” natatawang sabi ni Marty. “Eto na nga po eh…”

“Amanda…” tinawag ako ni Marty at napatingin ako sa kanya. “Ingat ka kay Manang detective!” dagdag niya na sinundan ng tawa.

Kaya ayun, nakatikim siya ng sunod sunod na palo sa likod, braso at sa pwet. Natawa ako sa nakita ko. Para silang mag-ina na nagkukulitan.

“Lika ineng…” balik ni Manang Linda sa akin. “Samahan mo ko saglit asikasuhin tong mga halaman…”

Pinakilala ni Manang Linda ang sarili niya sa akin. Kasambahay pala siya dati nila Marty. Ipinagbubuntis palang daw si Marty nung namasukan siyang kasambahay sa mga magulang nito.

“Sabi po ni Marty di mayaman ang pamilya niya…” tugon ko nang maalala ko yung kuwentuhan namin kaninang umaga.

“Oo nga…” sagot ni Manang Linda. “Hindi sila mayaman… Saktong maykaya lang… Anu nga bang tawag dun… Ahh ayun! Middle-class…”

Dun ko naalala na ang panahon nga pala dati ay iba kumpara ngayon. Dati ay kaya talaga ng mga middle-class na kumuha ng isang kasambahay.

“Nang ipinanganak si Marty…” patuloy ni Manang Linda. “Tumayo akong yaya niya… Kumbaga, bukod sa mga normal na gawaing bahay ay idinagdag ko ang pagiging yaya niya hanggang mag binatilyo siya…”

Dun ko narealize kaya pala ang close nila. Kaya pala parang mag-ina ang turingan nila. Ikinuwento rin ni Manang Linda kung gaano kabait ang mga magulang ni Marty. Kahit kasambahay lang siya ay itinuring siyang parte ng pamilya.

Tinanong ko sa Manang Linda kung kumusta na sa kasalukuyan ang mga magulang ni Marty. Tumingala siya sa langit.

“Nandun na sila… Masayang pinapanood ang anak nilang lumaking guwapo…”

Muntik tumulo ang mga luha ko. Nadama ko sa ginawa niya na talagang napamahal sa kanya ang mga magulang ni Marty. Muli niyang binalik ang atensyon niya sa mga halaman. At nagpatuloy muli magkwento. Unang taon palang ni Marty sa college nang mangyari ang trahedyang nagnakaw ng mga magulang niya sa kanya.

Nabangga ng isang truck ang sasakyang lulan ng mga magulang niya. Naisugod naman ang mag-asawa sa ospital pero sa sobrang lala ng lagay nila ay magkasunod rin silang binawian ng buhay.

Nakita kong gumulong ang mga luha ni Manang Linda. Saka ko naramdaman ang paggulong ng sa akin.

Saglit lang daw nagluksa si Marty. Pinilit daw niyang bumangon agad at gawan ng paraan ang pagpapatatag ng sarili. Dahil sa di naman sila mayaman, kailangan niyang itaguyod ang sarili niya para makapagtapos ng kolehiyo.

“Gusto ko sanang ipagpatuloy ang pagiging yaya niya…” naiiyak na wika ni Manang Linda. “Pero dahil may sarili rin akong pamilya ay si Marty na mismo ang nagpakawala sa akin…”

Lumingon si Manang Linda sa akin. “Kahit nahihirapan siya… Pinili niyang isipin na may mga bagay akong mas kailangang unahin kaysa sa kanya…”

Saka niya binalikan ang mga halaman.

“Kaya kahit natigil ang pagiging yaya ko… Ipinagpatuloy ko ang pagiging pangalawang nanay niya… Sa akin niya iniiyak ang mga babaeng nanloko sa kanya… Ako rin ang tumayong nanay niya nung graduation niya…”

“Laking tuwa ko ng magtagumpay siyang mapagtapos ang sarili niya… Pero pinaiyak ako ng libro niya sa tesis… Kahit di ko maintindihan masyado dahil ingles, masaya akong makita ko ang pangalan ko sa libro niya… Pangatlo… kasunod ng mga magulang niya…”

Marami pang ikinuwento sa akin si Manang Linda tungkol kay Marty. Mas lalo kong nakilala si Marty dahil kay Manang Linda.

“Kawawa naman tong mga halamang to… Sorry sa inyo ha…” sabi ni Manang Linda sa mga halaman… “Kaninang umaga ko dapat kayo didiligan kaso…”

Bigla siyang ngumiti at kumindat sa akin. “May mga maiingay kaseng nagdidilig kaninang umaga…”

Naramdaman kong uminit ang mga pisngi ko. Napahawak ang mga palad ko sa magkabila kong pisngi.

“So-sorry po…” nauutal kong sagot. Shit, ganun ba kami kaingay maglampungan ni Marty?

Tumawa si Manang Linda… “Okay lang ineng… Basta kung saan kayo masaya… Lalong lalo na kung saan masaya yang anak ko…”

Dama kong di pa rin tumitigil sa pamumula ang mga pisngi ko.

“Gaano na ba kayo katagal?” usisa niya.

Bumalik sa alaala ko yung bilin ni Marty.

Nga pala… siguradong kakausapin ka niya… Please be honest as much as you can…

“Ang totoo po niyan….” buwelo ko. “Di pa po kami…”

“Kagabi lang po kami nagkakilala…” nahihiyang dagdag ko.

Napatayo si Manang Linda. At saka ako nilingon. Kala ko ay mapapagalitan ako. Pero nakadama ako ng mainit na yakap. Mas mainit pa kesa dun sa kanina.

“Kayong mga batang ngayon talaga…” bulong niya habang nakayakap sa akin. “Pero okay lang sa akin iha… Kala ko hindi na siya magdadala ng babae dito…”

Saka siya kumalas ng yakap sa akin.

“Alam ko naman mga kalokohan ng batang yan…” patungkol ni Manang Linda kay Marty. “Ayaw na kase niya magmahal kaya papalit palit nalang siya nang mga babae… Napagsabihan ko na yan dati…”

“Di kita pipilitin sa magiging desisyon mo… Kung sasagutin mo ba siya o hindi…” sabi niya habang nakatayo sa harap ko at nakahawak sa dalawa kong kamay. “Pero hindi sa binibida ko yang anak anakan ko… Ikaw ang unang babaeng dinala niya dito… Meron siyang pinangako sa akin… Di raw siya magdadala ng kung sino sino lang dito… Kaya sigurado akong espesyal ka sa paningin niya… Kung sakasakali mang tuluyan mo siyang tanggapin sa puso mo… Sigurado akong hindi mo pagsisisihan yun…”

Napangiti lang ako sa kanya.

“Pag may ginawang di maganda yan sa yo, sabihin mo sa akin at ako ang unang unang kakastigo diyan sa batang yan…” natatawang sabi niya. At napatawa rin ako. “Aba’y ano pa bang hahanapin niya sa yo?”

“Okay lang po…” tugon ko. “Wala pa naman po siyang ginagawang mali…”

“Masaya ka naman ba sa pagsama mo sa kanya dito?” tanong niya muli.

“Opo…” tugon ko. “Masaya… Sobra…”

“Ahhh… Sobra…” pahagikgik na tugon ni Manang Linda. “Kaya pala maingay…”

Pacooldown na sana yung mga pisngi ko pero eto’t namumula uli.

Maya maya pa ay tinawag ni Manang Linda si Marty at nagpaalam na itong uuwi. Nagbilin pa ito na kung may kailangan daw kami ay tumawag lang sa kanya.

“Sana’y hindi ito ang huling beses na makita kita dito ineng…” sabi sa akin ni Manang Linda pagkatapos niya akong yakapin muli.

“At kayong dalawa…” nakangiting wika niya. “Wag niyo masyado lakasan ang ingay niyo ah…”

At saka siya tumawa at nagsimulang maglakad palayo sa amin. Namula muli ang pisngi ko kaya bigla akong niyakap ni Marty mula sa likod habang humahahikgik ang loko!

“Kasalanan mo yun!” bulong ko sabay palo sa bisig niyang nakapulupot sa bewang ko. “Syado mo kaseng ginagalingan!”

“Excuse me…” natatawang sagot niya habang nakayakap parin mula sa likod ko. “Default ko palang yun… Gusto mo yung talagang ginalingan?”

“Magtigil ka!” natatawang sagot ko. “Baka ireport na tayo ng buong La Union!”

Sabay kaming tumawa habang pinapanuod namin si Manang Linda maglakad palayo. Tsaka kami magka hawak-kamay na pumasok sa loob ng beach house. Pagpasok namin sa loob ay naupo si Marty sa sofa at marahan akong hinila paupo sa kanya. Kusa namang sumunod ang katawan ko kaya kumandong ako ng nakaharap sa kanya. Mabilis na yumakap ang mga braso niya sa likod ko.