Ang Diwata Ng Ilog Pasig

May awitin na hindi mawawala sa alaala ng mga Tagalog sapagka’t ang magandang himig at titik ay nakahuhumaling, at ang pag-iibigan ng taong-bayan at ng Ilog-Pasig ay hindi magmamaliw.

Kung gabing ang buwan
sa langit ay nakadungaw;
Tila ginigising ng habagat
sa kanyang pagtulog sa tubig;

Ang isang larawang puti at busilak,
Na lugay ang buhok na animo’y agos;
Ito ang Mutya ng Pasig,
Ito ang Mutya ng Pasig.

Sa kanyang pagsiklot a maputing bula,
Kasabay ang awit, asabay ang tula;

Dati akong Paraluman,
Sa Kaharian ng pag-ibig,
Ang pag-ibig nang mamatay,
Naglaho rin ang kaharian.

Ang lakas ko ay nalipat,
Sa puso’t dibdib ng lahat;
Kung nais ninyong akoy mabuhay,
Pag-ibig ko’y inyong ibigay.

Ang Ilog-Pasig ay tila asuling ahas na mahinahong gumagapang, “buhay” na likha ng Katalagahan; tabang at maligamgam na tubig sa pagmumula sa Look ng Laguna at nagiging malamig at maalat pagsasanib sa tubig-dagat ng Look ng Maynila. Sa paglalakbay nito ay sumasagi ang kasariwaan sa mga tuyot na pampangin ng maraming nayon.

Sa Ilog-Pasig nagkakaroon ng kabuhayan ang mga taga-nayon, at ganoon din ang mga taga-lungsod. Ang Ilog-Pasig ang tampisawan at paliguan sa madaling araw ng mga nag-gagandahang dilag na sa oras na iyon ay maaari pang ikubli sa kadiliman ang kanilang pagpapasariwa sa katawan. Sa bandang tanghali naman ay sa Ilog-Pasig naglalaba ng damit ang mga maybahay, sa pook na batuhin, na maaaring gamitan ng palu-palo ang mga damit. Ito rin ang lagusan ng mga maginoo ng bukid at mga mangingisda na naghahangad na mabilis na marating ang bukid o dagat.

Sa Ilog-Pasig naglalaro ang mga bata. Sa tuwing Tag-init, dito lumulundag ang mga nagmumurang binata, matapos na maisagawa ng arbolaryo ang pagpapatunay sa kanilang pagka-lalaki. Tuwing Mayo, dito dumaraan ang prusisyon ng mga kasko at lunday na ang sakay ay mga peregrinos a papuntang Antipolo upang doon ay magbigay dangal sa Birhen ng Kapayapaan at atiwasay na Paglalakbay. (Ang Birhen na maitim ang kulay, sinasabing dinala sa ilipinas ng isang galyon na nagmula sa Mehico. Dumaan ang galyon sa isang napakalakas na bagyo nguni’t hindi nasalanta ang mga sakay at matiwasay na nakarating sa pampangin ng Maynila. Ang pagkakaligtas ng mg biyahero ay ipinalalagay na bunga ng pagtangkilik ng Birhen.)

Ang Ilog-Pasig ang daanan ng kalakal – dito namamangka ang mga negosyante na inihahatid ang kanilang kalakal sa iba’t ibang panig ng malaking lalawigan na kung tawagin noon ay Montalban; kabilang na dito ang mga Intsik at Bombay na matagumpay sa ikinabubuhay nila. Sila’y nagtatamasa ng mabuting pagtatangkilik ng mga taong-bayan at sanhi nito ay itinuring nang bayan na rin nila ang Bayan na Nasa Biyaya ng Ilog-Pasig. Nagdadala sila mula sa Tsina ng mga pinggang porselana, mga alahas na yari sa mga pambihirang bato, at sari-saring gamot na galing sa mga halaman; at mula sa Bombay ay inilalako ang payong, mga telang pangbestida o pang-barong Tagalog, at mga pabango.

Isa si Don Ramon sa maraming nabubuhay sa pagtataguyod ng Ilog-Pasig. Siya ang may malaking bahay na bato sa tuktok ng isang burol sa may bunganga ng Ilog, sa dako ng Taytay. Tanyag ang kahusayan ni Don Ramon sa pangangalakal. Mula sa Maynila ay nagdadala siya ng mga tela at balat. Sa Taytay ay pinangangasiwaan niya ang isang malaking patahian at burdahan ng mga bestida, alampay, panyolito at belo. Doon tinatahi ang mga tela hanggang sa ito ay maging kasuotang pambabae, panglalaki, o pambata man. Sa isa pang pagawaan ay doon naman ginagawang sapatos at tsinelas ang mga balat ng baka at kalabaw. Mula sa Taytay ay nagdadala si Don Ramon ng mga nayari nang damit at sapatos, bukod pa sa mga bakyang yari sa kahoy at sari-saring punung-kahoy at kalamay na gawa sa
bigas o kasaba at ang mga ito’y ibinabagsak sa Maynila.

Nakaririwasa si Don Ramon at iginagalang ng madla. Maraming nakakikilala sa kasko niya na sa tuwing daraan ito sa Ilog-Pasig ay kumakaway ng pagbati sa kanya ang mga taong nasa pampang.

May anak na dalaga si Don Ramon na nagngangalang, Clarita. Nang
bata pa ay laging kasama sa kasko ni Don Ramon si Clarita sapagka’t inihahatid siya sa isang kolehiyo ng mga madre sa may Quiapo. Nakikita siyang naglalaro sa kasko habang ito ay mabagal na umuusad sa tubig. Nakamasid sa kanya nang palagian ang ama at ang inang si, Donya Josefa, at pati na ang isang yaya na laging puti ang suot na bestida.

Naging dalaga na si Clarita at nagpatuloy ang pagsama niya sa kasko sapagka’t patuloy din ang kanyang pag-aaral sa Maynila. Kagila-gilalas ang gandi ni Clarita. Nag-aagaw itim at puti ang kanyang kutis, palibhasa ay may halong Kastila ang dugo ni Don Ramon. Si Donya Josefa naman ay likas na taga-Cainta, may kaitiman ang balat at kulutin ang buhok. Nakuha ni Clarita sa ama ang makikinang na mga mata, ang ilong na matangos at ang pisnging tila porselana sa kakinisan. Sa ina galing ang nag-aagaw itim na kulay ng balat, ang kuluting buhok at ang kaakit-akit na hugis ng katawan.

Matalino si Clarita, isa siya sa pangunahing kolehiyala ng La Concordia. Mahilig siya sa musika; mahilig sa kanta at nag-mamay-ari ng isang tinig na animo’y tinig ng anghel. Isang pambihirang hiyas si Clarita! Dangal at ligaya ng kanyang mga magulang. Kaligayahan ng mga kasambahay at mga kawani ng kanyang ama sa pagawaan. Adhika ng mga lalaking nakasisilay sa kanyang ganda habang dumaraan ang kasko, habang nakaupo siyang tila prinsesa sa kanyang luklukan sa loob ng malaking kasko.

Lingid sa kaalaman ng mga magulang niya, si Clarita pala ay umiibig sa isang lalaking ka-edad niya at taga-Maynila. Nagkilala sila sa La Concordia, minsang nagkaroon ng paligsahan sa pag-awit. Si Ruben, mahusay sa pagtugtog ng gitara, ang nag-akompanya kay Clarita. Bukod dito ay sunud-sunod ang mga pagtatanghal ng mga palatuntunang pang-musika sa auditorium ng kolehiyo. Napalapit ang kanilang mga damdamin sa dahilang kapuwa sila mahilig at magaling sa musika. Ang malimit na pagkikita upang mag-ensayo ay nauwi sa pagkakaibigang umusbong sa isang tunay na
pag-ibig.

Ito ang unang pag-ibig na naranasan ng dalawang nilalang na maituturing na wala pang malay sa mga kaparaanan sa Mundo ni Kupido, pag-iibigang inililihim, ikinukubli sa madla; nguni’t sa katotohanan, ay inilalantad ng kanilang di maitagong kaligayan, sigla at pananabik. Sa pagitan ng pag-eensayo, ang mga musikero ay nagkakaroon ng maiikling panahon upang makapagpahinga. Ang dalawa’y nauupo sa isang sulok ng bulwagan at nagbubulungan at naghahagikhikan -nalilibang sa mga kuwentuhan at mumunting lihim ng mga batang umiibig.

Samantalang ang La Concordia ay paaralang natatangi sa mga babae, ang Letran, na pinapasukan ni Ruben ay natatanging pang-lalaki lamang. Ang kapuwa eskwela ay pinamamahalaan ng mga madre at pari. Pinagbabawal nila na ang mga estudyanteng babae at lalaki ay magkasama habang sila’y nasa loob ng paaralan, maliban na lamang kung may mga proyekto o palatuntunan gaya ng kinabibilangan nina Clarita at Ruben na may kinalaman sa pagtatanghal ng galing sa musika.

Mga Pahina: 1 2