Madalas ding maimbitahan ang “Kamanyang” para magtanghal sa kilos-protesta ng mga grupo mula sa iba ibang paaralan. Kaya kilala na rin si Soraya maging sa labas PCC.
—————————–
Isang hapon, palabas ng PCC si Soraya, kasama si Ricky, ang pinakamalapit niyang kaibigang lalake, at si Aida.
“Sis, si pogi oh, palapit sa akin, este sa iyo pala” Ani Aida.
“Hi” masayang bati ni Gerard.
Matapos maipakilala ni Soraya ang dalawang kasama, inimbitahan sila ni Gerard na mag snack.
Nagpaunlak naman si Soraya, bilang ganti sa ginawang pagtulong sa kanya ng binata. At saka kasama naman sina Ricky at Aida.
Pero iba ang plano ni Aida, gusto nitong magkasarile ang dalawa.
“Thank you na lang Gerard, pero kanina pa ako nagpapasama dito kay Ricky na bumili ng gamit para sa project namin.”
“Ha eh, hindi…..” Sasagot pa sana ang nabiglang si Ricky. Pero, hinila na ito ni Aida papalayo.
Walang nagawa si Soraya kung hindi ang sumama mag isa.
Sa una, ay medyo awkward pa ang usapan nina Gerard at Soraya. Parehong asiwa. Tipong isang tanong, isang sagot lang, habang kumakain sila ng halo-halo sa ” Little Quiapo”. Pero, ng lumaon ay naging komportable na sila sa isa’t isa.
Simple lang naman pala si Soraya. Magaang dalhin. Mababaw lang ang kaligayahan. Walang pretensions. Pero, mababasa sa mukha niya ang isang babaeng may karakter, talino at determinasyon. Hindi siya pangkaraniwang babae.
Ito ang nasa isip ni Gerard habang nakatingin sa magandang mukha ng dalaga. Lalong tumaas ang pagtingin niya dito. Hindi siya nagkamali sa kanyang unang impression kay Soraya.
Ang nagkamali ng impression ay si Soraya.
Ang inakala niyang isang iresponsableng “hipping kulelat”ay may laman din pala naman ang utak. Halata rin sa kilos at pananalita ng binata ang maayos na breeding. May pangarap din pala at direksyon ang buhay sa likod ng moderno nitong lifestyle. Dagdag pa rito ang malakas na sense of humor…..at ang guwapo rin ng maamong mukha.!
Hindi nila namalayan ang paglipas ng oras.
———————
Madilim na ng ihatid ni Gerard si Soraya sa boarding house.
“Kamusta ang date?” Agad na tanong ni Aida pagpasok ng kaibigan.
“Date ba yun,nagmeryenda lang kame.”
“Talaga lang ha, ” Tukso ni Aida.
Kakaiba na kasi ang ngiti sa mga labi, , ang ningning sa mga mata ni Soraya….ngayon lang nakita ni Aida na ganito ang kaibigan.
——————————
Ang snack sa “Little Quiapo” ay nasundan pa ng marami, kasama na ang lunch. Hanggang naging date sa sine. Pero palaging kasama si Aida.
Enjoy ang dalawa pag magkasama. Waring hindi sila nauubusan ng paguusapan… mula sa makabuluhan hanggang sa kalokohan. Parehong smart at witty.at strong- willed . Kaya minsan hindi maiwasan ang mainit na pagtatalo lalo na pag nadadako sa politika at religion ang usapan. Anti-establishment si Soraya. Pro-Status Quo naman si Gerard. Saradong Katoliko Romano ang dalaga. “Agnostic” at “secularist ” naman ang binata. Pero nirerespeto nila ang paniniwala ng isa’t –isa.
Hindi naman ligid kay Gerard ang maraming manliligaw ni Soraya sa loob at labas ng PCC. Kaya naman pursigido ang binata sa panliligaw kay Soraya. Basta free time ni Gerard sa kanyang klase ay pinupuntahan niya si Soraya. Pero dahill sa dami ng extra curricular activities ng dalaga, hindi rin sila madalas magkasama.
Kaya minsan, kahit araw ng Linggo, dumadalaw si Gerard sa boarding house, nagbabasakaling puwede silang lumabas ng dalaga.
Natuto ring magsimba ang binata .
———————-
Sa canteen ng UST.
“Tol, mukhang iba na to ha, masama na yata tama mo kay Soraya. Ngayon ka lang naging ganitong kaseryoso sa babae. Aba, nagseselos nako nyan, halos hind na tayo nagkakasama.”
Biro ni Alex sa kaibigan habang sila ay nagmimeryenda.
“Ewan ko nga ba tol, hindi ko maipaliwanag. Ang alam ko lang tol, masaya ako pag kasama ko siya. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito.”
“Syota mo na ba?
“Hindi pa nga eh”
“Tang na tol, ilang buwan na ba yan. Lima, anim? Dati, nakaka -tatlong syota ka na nun.
Ngiti lang ang tugon ni Gerard
“May pag asa ka ba naman, tol?”
“Siguro naman…sana nga …,ewan ko, tol” Malayo ang tingin ni Gerard.
——————————
Mga ilang araw bago mag sem-break , sa boarding house ni Soraya.
“Raya” Ang pet name ni Gerard kay Soraya. Inabot nito ang dalang malaking envelope sa dalaga.
“Ano to?”
“Birthday gift ko sayo” Masayang , malungkot ang mukha ni Gerard.
“Bakit, next week pa birthday ko”
“Alam ko, pero aalis kasi ako”
Biglang nawala ang ngiti sa mukha ng dalaga.
“Bakit, saan ka pupunta” Halata ang lungkot sa tinig nito.
“Sa Australia, may sakit ang lola ko, pinapupunta ako ng mama ko, ako na lang daw ang wala sa pamilya.”
————————
Yun na yata ang pinakamalungkot na kaarawan ni Soraya….sa kabila ng maraming imported chocolates, roses at dinner invitations mula sa mga manliligaw..Pinili ng dalaga na kumain sa labas kasama sina Ricky at Aida. Kahit pilit pinasasaya ang sarile, hindi maitatago ni Soraya sa mga kaibigan ang tamlay sa kanyang mga mata.
Lalo na kay Ricky na matagal ng umiibig sa dalaga. Mula pa nuong first year nila sa PCC ay nangliligaw na ito kay Soraya. Isa si Ricky sa masigasig at matiyagang manliligaw ni Soraya. Napakabait nito. Mula din sa magandang pamilya. Matalino at may itchura din naman. Talagang “boyfriend material” Hindi nga maintindihan ni Aida kung bakit hindi ito magustuhan ni Soraya.
Masakit kay Ricky ang katotohanang hindi siya ang dahilan ng kung bakit nagkakaganito ang minamahal. Kahit pa matagal na niyang tanggap na hanggang kaibigan lang ang turing sa kanya ni Soraya.
——————————-
Pagdating sa tinutuluyan ay agad kinuha ni Soraya ang birthday gift ni Gerard upang muli at muling pagmasdan…ang para sa kanya ay pinakamahalaga sa mga regalong natanggap.
Isang 20×20 –inch charcoal portrait ni Soraya.
Nailarawan ni Gerard ang tunay na karakter sa likod ng magandang mukha ng dalaga. Nakita ni Soraya ang sarile sa paningin ni Gerard.
“Mahal ko na yata si Gerard, sis” Wala sa sarileng usal ni Soraya dala ng bugso ng damdamin.
“Nagyon mo lang nalaman, sis. Akala ko matalino ka. Ako nga eh, matagal ko ng alam na mahal mo si pogi.”
——————————-
Nang unang dumalaw si Gerard sa boarding house ni Soraya, matapos ang dalawang linggo sa Australia, sa pinto pa lamang ay sinalubong na siya ng dalaga. Mahigpit nitong niyakap ang binata.
Mas mahigpit ang yakap ni Gerard.
Wala ng salitang pang namagitan. Hindi na kailangan.
Naging sila na mula nuon………..
——————–
Kabanata 2
1971-80
Sa gitna ng ligalig at pangamba ng mga panahong yun, at sa kabila ng magkaiba nilang mundo, nabuo ang pagmamahalan, ang mga pangarap nina Soraya at Gerard. Naging mabuti para sa dalawa ang kanilang relasyon. Lumawak ang kanilang kaalaman , ang pananaw sa maraming bagay. Natuto sila sa isa’t isa. Lalo silang naging inspirado sa pagaaral…sa buhay.
Isang bagay lamang ang kanilang pinagtatalunan: ang madalas na pagsama ni Soraya sa mga rally, ang pagtatanghal ng “Kamanyang” sa mga “teach-ins” ng mga taga UP, Diliman. Lumaganap na ito mula sa mga paaralan hanggang umabot sa sektor ng manggagawa, magsasaka at ang mga maralita sa iba-ibang lugar.
——————–
Araw ng Linggo, maagang bumiyahe ang magsyota papunta sa bayan ni Soraya sa Gapan, Nueva Ecija para dalawin ang ama. Nagpilit sumama si Gerard. Lihim namang ikinagalak ng dalaga ang ginawang yun ng binata. Alam niyang sabik sa pamilya si Gerard dahil nagiisang anak lamang ang binata at sa Amerika nakatira ang mga magulang. Naiwan lang si Gerard dahil nga nagaaral pa. Kasama lang nito ang lola at tiya at isang katulong sa bahay nila sa isang subdivision sa Quezon city.
Medyo tanghale ng makarating sila kina Soraya. Nagulat pa si Mang Andoy, ang ama ng dalaga, ng pumarada ang kanilang kotse sa tapat ng bahay. Simple lang ang kinalakihang bahay ni Soraya. Tulad ng karamihan ng mga bahay duon. Konkreto ang ibaba at gawa sa kahoy ang itaas.
“Tay, si Gerard po, boyfriend ko” Pakilala ng dalaga matapos magmano sa ama.
Matamang tinignan ni Mang Andoy si Gerard habang mahigpit silang nagkamay
“Tuloy, tuloy ..kayo sa itaas.”
Pagpasok, nabungaran nila si Lola Inez na masayang bumati sa magkasintahan.
Habang nagluluto ng tinolang dumalagang manok si Lola Inez katulong si Soraya ay nagpaalam na lalabas muna ang dalawang lalake.
“Sige anak, ipapasyal ko lang sa paligid si Gerard habang naghahanda kayo diyan ng lola mo.”
“Sige tay, pero huwag kayo masyadong lalayo at baka gutom na ang ating bisita, nakakahiya naman” Pabirong bilin ni Soraya.
Hindi naman kalayuan ang labinglimang hektaryang palayan ni Mang Andoy. Kulay ginto at luntian ang malawak na bukid…tanda ng malapit na ang anihan.
“Sim…